Sabado, Hulyo 25, 2020

Patuloy na pagsusulat para sa madla

higit apat na buwan nang nakakulong sa bahay
'stay-at-home' daw sa lockdown, ngunit di mapalagay
di dapat patulog-tulog lang at magpahingalay
kundi gawin pa rin anong dapat habang may buhay

kwarantina man ay may matatanaw pang pag-asa
ganap pa ring tibak kahit wala man sa kalsada
mabuti't may Taliba, ang pahayagang pangmasa
pinagkakaabalahan nang dukha'y may mabasa

higit apat na buwan mang naroon sa tahanan
ay gumaganap pa rin nitong iwing katungkulan
nagpopropaganda sa abot ng makakayanan
nagsusuri ng isyu't pangyayari sa lipunan

mapabatid ang layunin ng uring manggagawa
magsulat bilang kawal ng hukbong mapagpalaya
manligaw upang prinsipyo'y yakapin din ng madla
magsaliksik, magsuri, magsulat, at maglathala

sige, sulat lang ng sulat habang may naiisip,
may nasasaliksik, at mga isyu'y nasisilip,
kakathain ang nasa puso't diwa'y halukipkip
hangga't may pluma, papel, at balitang mahahagip

- gregbituinjr.

Tatlong boteng walang laman para i-ekobrik

tatlong bote ng Cobrang walang laman muna ngayon
pupunuin ng mga ginupit na plastik iyon
bubunuin ko ang gawaing iyon sa maghapon
na baka nga abutin pa ng isang linggo roon

ah, tatlong bote lang muna, kalaban ay mahina
mabuting may ginagawa kaysa nakatunganga
para sa kalikasan, at ako'y may napapala
habang nageekobrik ay naglalaro ang diwa

samutsaring paksa ang dumadaloy sa isipan
hinahabi ang mga akdang sa diwa'y naiwan
ang mga taludtod at saknong nga'y sinasalansan
pinagsasalita rin ang anino sa kawalan

nagtatapos at nagtatapos ang pageekobrik
habang sa isip, may nakatha habang nagsisiksik
sa mga bote ng pinaggupit-gupit na plastik
at pag nagpahinga, nasa diwa'y isasatitik

- gregbituinjr.

Isang metrong agwat na physical distancing

Isang metrong agwat na physical distancing

nadaanan din lang namin ang karatulang iyon
ay nagpakuha na ng litrato sa tabi niyon
bilang patunay ng isang metrong layo ang layon
ng physical distancing na pinatakaran ngayon

tunay ngang nais nating proteksyunan bawat isa
kaya kahit isang metro lang, layu-layo muna
bawal bumahin, bawal walang facemask sa tuwina
saanman, kalsada, palengke, botika, groserya

'No facemask, no entry' at 'one meter' dapat ang agwat
ng bawat isa, may physical distancing daw dapat
bagamat paalala upang di mahawang sukat
isang paalala iyong hangad kong maurirat

bakit isang metro, di dalawa, tatlo o lima
ito ba'y pagbabakasakali, di ko nabasa
tiyak kong may batayan ang isang metrong distansya
marahil pag ating inaral sa matematika

marahil isang metro'y sapat upang di mahawa
ng nakakadiring virus na naglipanang sadya
di man nabasa ang batayan kung saan nagmula
mahalaga, isang metro'y tupdin at maunawa

- gregbituinjr.
07.25.2020