Biyernes, Hulyo 23, 2021

Hiyaw ng paggawa

HIYAW NG PAGGAWA

ayuda, trabaho at proteksyon sa manggagawa
sa pagkilos na ito'y panawagan at adhika
dahil sa pandemya, kayraming trabahong nawala
kinakaharap na ng pamilya'y gutom at luha

kakaibang panahon sa kakaibang labanan
at pagkakataon ng kapitalistang gahaman
upang manggagawa'y tuluyang pagsamantalahan
panahon ng pandemya'y pinauso ang tanggalan

minadaling pinatupad ang kontraktwalisasyon
gayong ang marapat ay seguridad at proteksyon
mga manggagawa'y tuluyan nilang binabaon
tulad ng pako sa kawalan, dusa'y pinalulon

likod ng manggagawa'y tinarakan ng balaraw
dahil karapatan nila'y pilit na inaagaw
"Ayuda sa manggagawa!" ito ang aming sigaw
"Trabaho, Di Tanggalan!" ito pa ang aming hiyaw

"Proteksyunan ang manggagawa!" sigaw naming sadya
lalo't sa ekonomya'y manggagawa ang lumikha
silang nakararami sa daigdig nati't bansa
ah, sana'y dinggin din naman ang tinig ng paggawa

- gregoriovbituinjr.

*  Binasa ng makatang gala sa rali ng mga manggagawa sa harap ng DOLE sa Intramuros, 07.23.2021

Nakayuko man ang maralita

NAKAYUKO MAN ANG MARALITA

ang ngitngit man nila kahit pilit itinatago
ay agad mong madarama kahit sila'y yumuko
ngunit alam mong sa laban ay di sila susuko
habang lumalaban sa maling sistema't hunyango

pagkat nahaharap sila sa banta ng ebiksyon
habang nakatira sa nilipatang relokasyon
lumang batas ang sa kanila'y ibig ipalamon
ng isang ahensya subalit di nila malulon

nagbigay ng liham, sa loob ng tatlumpung araw
dapat magbayad ang maralita sa pananahan
dahil kung hindi'y palalayasin na't itataboy
na sa lumang batas, ahensya'y may kapangyarihan

sa Departamento ng Pabahay nga'y napasugod
ang mga maralitang sa liham ay di nalugod
na basta palalayasin pag di sila sumunod
sa atas ng ahensyang sa kanila'y pipilantod

wala na ngang trabaho'y ganyan pa ang sasapitin
kahit may pandemya'y ganyan pa ang kakaharapin
ahensya ba'y walang puso't ganyan ang paplanuhin
habang dukha'y pagtatanggol ng bahay ang gagawin

- gregoriovbituinjr.