Linggo, Hunyo 13, 2021

Wala mang kasangga

WALA MANG KASANGGA

sino sa inyo'y kakampi ko sa pag-eekobrik
pati na rin sa ginagawang proyektong yosibrik
wala bang kakampi sa kalikasang humihibik
dahil sino ba ako't upang kayo'y mapaimik

baka tingin kasi'y isa akong dakilang gago
mag-ekobrik ay gawain lang daw ng isang gago
namumulot daw ng plastik at upos ang tulad ko
subalit sa kalikasan ay may tungkulin tayo

kahit ako'y pinagtatawanan ng mga matsing
akong kaytagal na ring sinipa sa toreng garing
kahit nanlalait sila't pulos na lang pasaring
ang aking ginagawa'y tatapusin kong magaling

di pa rin ako sumusuko, wala mang kasangga
sa akin man ay nandidiri't nanliliit sila
dahil tinututukan ko'y pawang mga basura
na Inang Kalikasan ay mailigtas pa sana

marahil sa pangangampanya nito, ako'y palpak
kaya pinagtatawanan ng mga hinayupak
lalo't ginagawa'y proyektong walang kitang pilak
proyektong di nila pagkakakitaan ng limpak

mag-isa man, aking itutuloy ang adhikain
baka maunawaan lamang ang aking gawain
pag bagyo'y muling nanalasa, at tayo'y bahain
o maintindihan lang pag ako'y namatay na rin

- gregoriovbituinjr.

Di ko isasalong ang sandatang pluma

ang mga berdugo'y patuloy kong tinutuligsa
sapagkat dama ko'y tungkulin bilang manunula
ayokong may nakita na'y nakapangalumbaba
at parang tuod sa tabi-tabi't walang magawa

di susuko, tula ko man ay kanilang paslangin
tula'y mananatiling sa langit bibitin-bitin
laging panlipunang hustisya'y sasambit-sambitin
dito man sila't gatilyo'y kanilang kalabitin

walang humpay ang pamumuna sa anumang bulok
basura man, upos, plastik, o yaong nasa tuktok
kahit isa akong daga sa laksang pusang bundok
sa pagsalong ng pluma'y di nila ako mahimok

gagampanan ko ang bawat tungkuling nakaatang
lalo't mga ito'y di naman pawang paglilibang
ito'y seryosong gawaing baka lamang mapaslang
na buong pusong tinanggap, mangga ma'y manibalang

- gregoriovbituinjr.
06.13.2021 Sunday the 13th

Ang makata ng lumbay

sa bawat pagtula'y di ko kailangang mapuri
pagkat sino ba naman akong tula'y pawang hapdi
na simpleng taong lumalaban sa mapag-aglahi
subalit pulos kapighatiang di ko mawari

sa hinaharap, tula ko'y ibabaon sa hukay
ng utak-salarin at ng kanyang tusong galamay
anong gagawin ng tulad kong makata ng lumbay
kung sila'y masaktan sa katotohanang dinighay

ginagawa ko lamang itong iwi kong tungkulin
upang bawat kinakatha sa bayan pagsilbihin
ang karapatang pantao'y mabigat mang dalahin
ay panlipunang hustisya naman ang tutunguhin

ito sa ngayon ang nasabi ng abang makata
habang nakatalungko sa loob ng munting lungga
sa iwing tungkulin ay di pa rin nagpapabaya
papasanin ang atang, mapaslang man o mawala

- gregoriovbituinjr.
06.13.2021 Sunday the 13th

Tila ako'y bungo sa aba kong daigdig

bakit nila pinapaslang ang iwing pagkatao
na sa tungkulin at ginagawa'y laging seryoso
pati na mga nakakathang tula'y apektado
tila baga ako'y bungo sa abang daigdig ko

marami man akong tulang inaalay sa madla
di ko mawaring bakit napapaslang akong lubha
tinoka nilang salarin ay di ko masawata
pagkat di ko kilala't aking nababalewala

subalit pagmamakata'y nasa diwa ko't puso
habang ang mga nakakasagupa'y walang biro
damang sa malao't madali ako'y maglalaho
kasabay ng pagpaslang nila sa tula ko't bungo

mawawala ang sining kong kanilang tinotokhang
dapat pag-ingatan anumang tangkang pananambang
mawawala na ang tulang mapagsilbi sa bayan
na tanging masasabi ng makata ay paalam

- gregoriovbituinjr.
06.13.2021 Sunday the 13th