Lunes, Agosto 16, 2010

Patatagin ang Kagawaran ng Depensa

PATATAGIN ANG KAGAWARAN NG DEPENSA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dapat patatagin ang kagawaran ng depensa
upang may magtanggol sa kilusan ng aktibista
upang ipagtanggol ang mga inaaping masa
upang may ipandudurog sa bulok na sistema

misyon nilang depensahan ang uring manggagawa
tuluyang ipagtanggol itong mga maralita
depensahan ang uri ang pangunahing adhika
at sistema'y mapalitan upang wala nang dukha

ang kagawaran ng depensa'y dukha't manggagawa
sila ang bumubuo ng hukbong mapagpalaya
na dudurog sa mga kapitalistang kuhila
dahil sistema ng mga ito'y kasumpa-sumpa

ang kagawaran ng depensa'y di lang pandepensa
pagkat ito'y magiging kagawaran ng opensa
kung kinakailangan upang magtanggol sa masa
nang masa'y di manatiling nabubuhay sa dusa

Kontraktwalisasyon sa PAL

KONTRAKTWALISASYON SA PAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

gagawin nang kalahati ang sweldo
at kontraktwal ang mga empleyado
sa isang kumpanya ng eroplano
dahil sa kontraktwalisasyon dito

walang maganda itong idudulot
kundi ang buhay na sadyang kaylungkot
paano ba tayo makakalusot
sa kontraktwalisasyong sadyang salot

kaya halina't tayo'y magkaisa
durugin itong bulok na iskema
ng kontraktwalisasyong pawang dusa
ang dulot sa manggagawa't pamilya

organisahin ang mga piloto
pati lahat ng manggagawa dito
pakilusin na ang mga obrero
upang makiisa sa labang ito