KWENTO NG ISANG BALIKBAYAN BOX
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
bawat isa'y butil ng pawis mula ibang bansa
nang pamilya'y madama kahit kaunting ginhawa
ama’y pagsisikap habang nangingilid ang luha
nasa malayo halik man at yakap ay mawala
para sa bukas ng anak nang di maging kawawa
pagtatrabaho niya’y bumilang ng buwan, taon
hanggang maisipang magpadala ng pasalubong
mga regalo'y naroon sa balikbayang kahon
bago mapunta sa anak, sinuri muna iyon
subalit nawala ang para sa anak na bugtong
kinuha ng buhong na sa batas ay nagkakanlong
pasalubong ng obrero'y pinaghirapan niya
upang pamilya'y damhin ang pagmamahal ng ama
kahit na amoy-disyerto ang kanyang pinadala
bawat isa'y butil ng pawis, dugo, alaala
na may amang bumubuhay sa iniwang pamilya