DALHIN ANG BURMA SA LANDAS NG PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
ginipit, inapi, pinagsamantalahan
patuloy na naghihirap ang sambayanan
marami'y lumaban para sa kalayaan
kayraming namatay sa pakikipaglaban
diktadurya sa kanila'y nakakubakob
ngunit sa puso nila paglaya'y marubdob
nanunuot ang nasang paglaya sa loob
dapat nilang lumaban, poder ay malusob
marami nga sa kanila'y nangibang-bansa
upang makibaka't sa hangganan naglungga
sa nangyayari'y ayaw nilang tumunganga
sila'y kikilos hanggang bansa'y mapalaya
ginigipit, inaapi ang mga tao
pinagsasamantalahan pati obrero
aba'y dapat kumilos, tumulong din tayo
dalhin ang Burma sa landas ng pagbabago
di lamang taga-Burma ang dapat lumaban
kundi ang sinumang nais ng kalayaan
bakahin at ibagsak ang kapangyarihan
ng mga mapang-api sa kanilang bayan
tulong-tulong tayong baguhin ang sistema
sa mamamayan nitong Burma'y makiisa
halina't kumilos tayo sa panig nila
sa ngalan ng kalayaan ay magkaisa
- Setyembre 17, 2012, sa tanggapan ng YCOWA