TOROTOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
makipagbuno ka na sa torotot
kaysa pikolo't paputok na bansot
saya naman ang nais mong idulot
kaysa nadaleng daliring pangkamot
sayang naman kung daliri'y malagas
buti na lang at di ka nautas
mahirap sadyang dugo mo'y kakatas
sa Bagong Taong pinuno ng dahas
magtorotot ka na lang at mag-ingay
di paputok na madalas ay sablay
maraming sa ospital ay naratay
dahil naputukan ang mga kamay
nais mong kalugin ang iyong isip
pagkat ang nangyari'y di mo malirip
maigi pang torotot ang naihip
sana kamay mo'y tiyak na nasagip