SA PANAHON NG HILAKBOT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod
maraming timbuwang, patay nang patay
pinagdudahan kasing nagdodroga
duda pa lang pero agad pinatay
ang due process of law ba'y nawala na?
tungkol sa droga'y mahirap itula
baka makata'y mapagdiskitahan
ngunit kailangan itong itula
upang ipagtanggol ang karapatan
duda pa lang ba'y papaslangin agad?
paano na kung sila'y inosente?
hustisya ba sa bansa'y umuusad?
o inis tayo't ito'y binibili?
mahirap kung pluma'y patulog-tulog
sa panahong masa'y tigib ng takot
dapat mulat na bayan ay mayugyog
nang pumayapa ang bayang hilakbot
droga sa bansa'y dapat lang linisin
pagkat sanhi ng krimeng tambak-tambak
napatunayang sangkot ay hulihin
parusahan, pagapangin sa lusak
subalit alalahanin palagi
ang due process of law sa ating batas
karapatang pantao'y manatili
paglilitis nawa'y pantay at patas