Martes, Oktubre 20, 2009

O, Kaysarap Magbasa

O, KAYSARAP MAGBASA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minsan nga'y di na ako kumakain
mabasa lang ang librong nasa akin
sadya ngang kaysarap pakanamnamin
ng winiwika sa aklat na angkin

pagkat tunay ngang kaysarap magbasa
maraming matututunan ang masa
at matututo rin tayo sa masa
hinggil sa maraming paksa't kultura

dumalaw naman tayo kahit minsan
sa iba't ibang museyo't aklatan
pagkat marami tayong matututunan
na sari-saring mga kaalaman

bakit nga ba sa mundo'y nagkagera
bakit nagpatayan ang isa't isa
anong aral ang kanilang pamana
bansa ba natin ay anong istorya

kayganda ngang ehersisyo sa diwa
ang pagbabasa't nakauunawa
ng kasaysayan, iba't ibang paksa
dahil dito'y maraming nagagawa

o, halina, magbasa-basa tayo
at tiyak namang tayo'y matututo
ngunit mamili ng magandang libro
na makatutulong sa kapwa tao

Hineheleng Diwa

HINEHELENG DIWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

kadalasang ako'y tulala
parang hinehele ang diwa
ako na pala'y lumilikha
ng isang madamdaming akda

dinarama ko't nilalasap
ang bawat katagang may sarap
habang mata'y kumukutitap
at sinusulat ang pangarap

kung ito ma'y obra maestra
di ako ang siyang huhusga
kundi ang mga mambabasa
na siyang nanamnam ng timpla

kaya paumanhin sa inyo
pag kung minsan tulala ako
at laging nakakunot-noo
nakatitig saan man ito

ang nais ko sana'y magawa
ay pawang makamasang akda
para sa mga manggagawa
at kapatid na maralita

iyan ang aking munting ambag
upang sistemang walang habag
ay ating mabago't malansag
nang lipunan ay mapanatag

Sa Bahay na Bangka

SA BAHAY NA BANGKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

sa laot kaylamig ng simoy ng hangin
buwan pa'y nagtago sa gabing madilim

tanging ang lamparang nag-aandap-andap
ang nagsilbing ilaw habang nangangarap

ang bahay na bangka ang nasisilungan
tanging ito lamang ang aming tahanan

itong bangkang bahay ang aming palasyo
sa aming mag-anak, ito'y paraiso

kahit dukha kami, dito'y nawiwili
pagkat ito'y aming tahanang sarili

huwag lang dumatal ang kaylaking bagyo
at baka lumisan sa tahanang ito

nawa'y di dumating yaong bantang unos
at kawawa kaming ang buhay ay kapos

minsan naiisip ang kinabukasan
nitong mga supling naming kabataan

ang umuukilkil na tanong palagi
kung sa bangkang bahay ay mananatili

habang dinuduyan nitong mga alon
saan patutungo, sa dako ba roon