Huwebes, Agosto 26, 2021

Tula sa International Dog Day

TULA SA INTERNATIONAL DOG DAY

mabuhay ang asong alaga sa kinikilusan
matapang na bantay at tunay na maaasahan
saludo sa kanyang pagtitiyaga't katapatan
upang opisina'y talaga namang mabantayan

matalinong aso, minsang ako'y tulog sa opis
tahol ng tahol, ginising ako't akto'y kaybilis
pinapunta ako sa kusina't aba'y putragis
inaamoy niya ang gasul, naamoy ko'y labis

nakasindi pala't bukas ang gasul, ay nakupo
buti't alisto ang aso't ginising akong buo
isinara ko ang asul, tahol niya'y naglaho
kumawag-kawag ang buntot ng may buong pagsuyo

isa lamang iyan sa marami kong naranasan
na dinala niya ang tanggapan sa kaligtasan
ngayong International Dog Day, siya'y pagpugayan
tulad niya'y aktibistang nagsisilbi sa bayan

- gregoriovbituinjr.
08.26.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa dating opisina ng manggagawa sa Lungsod Quezon

Pinagsanggunian:
https://www.thequint.com/lifestyle/international-dog-day-2021-history-significance-and-quotes
https://www.firstpost.com/world/international-dog-day-2021-history-and-amazing-facts-about-mans-best-friend-9914071.html

History of International Dog Day

In the year 2004, the day was founded by animal welfare advocate and pet lifestyle expert, Collen Paige. He is also a conservationist, dog trainer, and author. The date 26 August was selected for International Dog Day because it was the first time when Paige's family adopted Sheltie; he was 10-years-old.

Along with International Dog Day, Paige also founded and observed many such days including National Cat Day, National Puppy Day, National Wildlife Day, and National Mutt Day.

Talahuluganan

TALAHULUGANAN

talahuluganan itong kayamanan kong sadya
pinag-ipunang bilhin at iniingatang kusa
nakalagak sa munting aklatan, nakakahanga
malaking tulong sa pagsasalin at pagmakata

di lamang simpleng sanggunian ng salita ito
kundi binubuklat ko ri't binabasang totoo
upang mapahusay pa ang mga bokabularyo
at magamit sa mga tula, sanaysay at kwento

lalo ngayong Buwan ng Wika, napakadakila
ng papel ng talahuluganan sa pagkakatha
lalo na sa paggamit ng katutubong salita
totoong kahulugan ay mabatid ng makata

samutsari ang paggamit sa wikang Filipino
tulad ng talahuluganan ay diksiyonaryo
ang talasalitaan naman ay bokabularyo
habang yaong talatinigan naman ay glosaryo

kayamanang talaga ang mga nasabing aklat
na sa tuwina'y sinasangguni ko't binubuklat
mapangmulat, ingatang mabuti't huwag malingat
at baka may magkainteres ay mawalang sukat

- gregoriovbituinjr.
08.26.2021

Una kong turok ng bakuna



UNA KONG TUROK NG BAKUNA

kahapon ay nag-text sa akin ang PasigBakuna
iskedyul ko'y kahapon ngunit kanina nagpunta
akala'y kaylayo ng Sagad ng tingnan sa mapa
tinanong ko sa kapitbahay, traysikel lang pala

alam ko, isang araw akong huli sa iskedyul
nagpunta na agad, kahit isang araw nang gahol
pamasaheng kwarenta sa traysikel ay ginugol
at masigla ko namang narating ang Sagad Hayskul

isang araw mang huli, ako'y inestima pa rin
binigyan ako ng papel upang aking sagutin
ilang tanong sa kalusugan at tungkol sa akin
walang pila, organisado, at mabilis lang din

ayon kay Doktora, ang bakuna'y AztraZeneca
kalooban ko'y handa na, sa papel ay pumirma
tinurukan ako ng maliit na heringgelya
na animo'y kasingliit lang ng bolpen kong Panda

matapos iturok, nilagay sa kahong maliit
ang mga heringgelyang pinanturok at ginamit
palagay ko, heringgelya'y di nila inuulit
isang heringgelya bawat tao, aking naisip

mabuti ang ganito't walang magkakahawahan
tanging pasasalamat ang nasa puso't isipan
sa susunod na iskedyul, sila'y magte-text na lang
para sa ikalawang bakuna'y maghintay lamang

- gregoriovbituinjr.
08.26.2021

Ang koleksyon ko ng Reader's Digest 2018

ANG KOLEKSYON KO NG READER'S DIGEST 2018

mahal ang Reader's Digest na bago, alam ko ito
presyo'y isangdaan siyamnapu't siyam na piso
subalit luma man nito, ang turing na'y klasiko
kaya mga lumang Reader's Digest ang binili ko

nang minsang dumalaw sa Book Sale, ito na'y nagmura
nabili kong tatlumpu't limang piso bawat isa
pautay-utay lang ang bili, una'y apat muna
sunod ay tatlo, sunod ay isa, muli isa pa

mula Enero hanggang Setyembre ang mga isyu
na pawang tatlong taon nang nakararaan ito
subalit di naluluma ang sanaysay at kwento
nananatiling napapanahon ang mga ito

siyam na isyu ang binabasa't nababalikan
samutsaring klasikong sanaysay ang nilalaman
kalusugan, karanasang personal, kasabihan
humour, kwentong trabaho, travel, trivia, puzzle, liham

kung siyam na isyung ito'y binili ko na noon
nasa isang libo't walong daang piso rin iyon
ngunit tatlong daan labinglimang piso lang ngayon
nakamura na rin ako kung suriin paglaon

lalo't Reader's Digest na'y kayamanang matuturing 
nitong tulad kong makatang wala sa toreng garing
malaman sa impormasyon, sa diwa pa'y panggising
salamat, Reader's Digest, babasahin kang kaygaling

- gregoriovbituinjr.
08.26.2021