ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
nakapapagal nga ang napakalayong lakarin
siyang tunay, lalo na't kung ang iyong lalandasin
ay mahigit isanlibong kilometrong hakbangin
ngunit kung may adhikain kang nasa mong abutin
balewala anumang layo yaong tatahakin
bibihira ang nabibigyan ng pagkakataong
makasama sa Climate Walk, subalit ito'y tugon
sa mga pangyayaring sanlaksa ang ibinaon
sa putik at limot dahil sa unos na lumulon
sa mga kapatid, manggagawa, babae, maton
paglalakad ay nakapapagal ngunit pahinga
higit isang buwang pahinga sa mga problema
sa ating bansa, sa ekonomya't sa pulitika
pahinga sa trabaho sa opisina't kalsada
pahinga ang maglakad pagkat yugtong naiiba
kung uulitin ang Climate Walk, muling maglalakad
upang hustisyang pangklima sa bayan ay ilahad
upang magkaisa sa kabutihang hinahangad
kalikasan ay magamot, sistema'y mabaligtad
halina't tayo'y maglakad, anumang ating edad
- Oktubre 7, 2014, gabi, Casa Pastoral de San Isidro, Parokya ni San Isidro Labrador, Ibabang Dupay, Lungsod ng Lucena
* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda