AMBAG NA KAPE NI ALING RHODORA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
kaunti lang kami, wala pang dalawampu
tinatahak ang kahabaan ng Tayabas
nang kami'y mapatapat sa isang tindahan
"Sadya bang lakad lang kayo?" tanong ng ginang
"Opo, lakad po kami papuntang Tacloban"
"Kaylayo naman, kayo'y nakakaawa, eh!
saglit muna, bibigyan ko kayo ng kape!"
tumakbo sa loob ang ginang at kinuha
ang pakete ng kapeng dalawang dosena
nagpiktyuran pa at kami'y nagpasalamat
sadyang may mga mabubuting kalooban
tunay na iaambag ang makakayanan
ambag niya sa Climate Walk di malilimot
maliit man ay malaki na ang inabot
- maraming salamat kay Aling Rhodora Valencia ng Beverly Store, Brgy. Isabang, Tayabas, Quezon, Oktubre 7, 2014
* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento