Sabado, Hulyo 3, 2010

Dapat ang Boss ay Di Busabos

DAPAT ANG BOSS AY DI BUSABOS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Anang bagong pangulo, "Kayo ang aking Boss
Kaya't makikinig ako sa inyong utos!"
Kaharap ang mayayaman, masa't busabos
Sa madla'y panatang dapat niyang malubos.

Mukha namang ang pangulo'y di nagbibiro
Sa kanyang mga sinabi't ipinangako
Maging tapat siya't baka napapasubo
Dahil kung hindi, siya pala'y nang-uuto.

Kung sinasabi niyang bayan ang kanyang Boss
Dapat sa bayan ay walang mga busabos
Dapat sa lansangan ay walang nanlilimos
Dapat niyang kalingain ang mga kapos.

Kung tunay ngang Boss niya tayong taumbayan
Ang paglilingkod niya'y dapat maramdaman
Ng manggagawa, magsasaka, sambayanan
Kung hindi, dapat siyang isukang tuluyan.

Kung Kami ang Iyong Boss

KUNG KAMI ANG IYONG BOSS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Kay Pangulong Noynoy,

Sabi mo ang bayan ang iyong Boss
Kaya makikinig ka sa utos
Ng bayang noon pa binusabos
Ng dayuhan at nag-aastang Dyos

Sahod ng obrero'y laging kapos
Tila di na sila makaraos
Magsasaka'y laging nauupos
Sa hirap tila hinahambalos

Mga aktibista ba'y iyong Boss
Bakit kami'y inyong inuubos?
Bakit kami'y laging inaambus?
Itigil ito, ang aming utos!

Sa kapitalismo'y nakagapos
Ang ating bayang laging hikahos
Kaya paano makakaraos
Sa ilalim ng sistemang bogus.

Kapitalismo ang nambabastos
Sa pagkatao ng masang kapos
Sistema'y suriin mo, ang utos
At palitan ito pagkatapos.

Gobyernong ito'y dapat iayos
Kung saan walang namamalimos
Kung saan wala nang kinakapos
At walang tibak na inuubos.

Kaya, Noynoy, kung puso mo'y lipos
Ng pagmamahal sa bayan mong Boss
Aba'y dinggin mo ang aming utos
Kung seryosong kami nga'y iyong Boss

Dapat uri mo'y talikdang lubos
Iangat buhay ng masang kapos
Kung di mo ito magawang puspos
Tulad mo'y barahang Haring Bastos!