Linggo, Agosto 18, 2024

4' 11" lang si Caloy Yulo

4' 11" LANG SI CALOY YULO

pitong dali pala ang tangkad ko sa kanya
singliit lang siya ng artistang si Nora
o marahil ay ng dating pangulong Gloria
ngunit siya'y "Ismol Bat Teribol" talaga

ang tulad niyang maliit ay sumisikat
tulad ni Nora na sa pag-arte sumikat
tulad ni Gloria na naging pangulong sukat
sa galing at di sa liit sila nasukat

alam niyang di siya pwede sa basketball
kaya sa gymnastics panahon ay ginugol
ayon sa kasabihan: "kung ukol, bubukol"
nakuha'y dalawang gold, "Ismol Bat Teribol"

Carlos Yulo, sadyang isa ka nang alamat
ngalan mo sa kasaysayan na'y nasusulat
sa tagumpay mo, buong mundo ang ginulat
kaya ang buong bansa'y nagpapasalamat

- gregoriovbituinjr.
08.18.2024

* ulat mula sa pahayagang Remate, Agosto 15, 2024, p.5

Salamat sa pagkilala

SALAMAT SA PAGKILALA

dapat kong pasalamatan
ang anumang pagkilala
tulad na lang ng lingguhang
engagement sa pesbuk pala

ah, mayroon palang ganyan
nasusubaybayan ako
sa aking nakaugnayan
sa sanlinggo ng Agosto

pawang sila'y nabubuklat 
o hinggil sa mga libro
na hilig ng manunulat
at abang makatang ito

Liwayway, Anvil Publishing,
limbagan ng Ateneo,
BiblioCave, Mt. Cloud Bookshop,
Savage Mind: Arts, Books, Cinema

kaya ako'y nawiwili
pesbuk page nila'y abangan
kung marapat ay bibili
ng aklat kung kailangan

muli, maraming salamat
sa ganitong pagkilala
maraming nadadalumat
at nagbibigay-pag-asa

- gregoriovbituinjr.
08.18.2024

Malayang taludturan

MALAYANG TALUDTURAN

"where brains matter more than looks"
tatak sa tshirt na nabili ko sa BookSale
"Where No Words Break"
na nabili ko sa UP Press
pamagat ng aklat ng national artist
na si Gemino H. Abad
katabi ng "Selected Poems and New"
ni national artist Jose Garcia Villa
dalawang Pinoy na makata sa Ingles
nais kong mabasa ang kanilang obra

kaunti lang ang tula kong nasulat
sa wikang Ingles na pinagbutihang sukat
sa wikang banyaga'y di pa makapagmulat
kaya sa wikang sarili nagpapakabihasa
buhay kong maikli'y napapahaba
dahil sa pagkatha ng talim ng diwa

habang nakatapak pa sa lupa
habang nakayapak pa sa luha
habang nakatatak pa sa luma
habang nakayakap pa sa lula
habang napalatak pa sa luga
habang napakapayak ng tula

- gregoriovbituinjr.
08.18.2024

Mag-inang natutulog sa bangketa

MAG-INANG NATUTULOG SA BANGKETA

natutulog sa bangketa silang mag-ina
na habang lulan ng dyip ay aking nakita
kalsada na ba ang tahanan ng pamilya
dahil ba sa hirap ay doon na tumira?

pasimple ko silang kinunan ng litrato
sa kanila'y walang magawa ang gobyerno?
kundi bigyan ng limos o ayuda ito?
imbes na paalwanin ang buhay ng tao?

bakit walang magawa ang pamahalaan?
sa mga naghihirap nating mamamayan?
silang mga matakaw sa kapangyarihan
na nais lang gawin yata'y katiwalian!

dahil utak negosyante ang namumuno
na nais lang mangyari'y paano tumubo
serbisyo'y ninegosyo ng trapong hunyango
gayong "pinuno" silang di dapat maupo

pag daw maraming pulubi sa isang bansa
ang gobyerno raw nila'y walang ginagawa
gobyernong walang paki sa buhay ng dukha
ay dapat sama-samang ibagsak ng madla

- gregoriovbituinjr.
08.18.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Roces Avenue sa Lungsod Quezon, Agosto 16, 2024