Biyernes, Oktubre 15, 2021

Gabi na naman

GABI NA NAMAN

gabi na naman, matapos kumain at dumighay
nagunita ang mga danas, pakay, latay, ratay
kumusta na ang mga nakaraang paglalakbay
lalo't pakiramdam ng tuwa, luha, saya't lumbay

pinanood ang kandilang apoy ay sumasayaw
nais kong lumabas pagkat liwanag ay natanaw
at pinagmasdan ko ang buwan nang ito'y lumitaw
hanggang nakatago kong pluma't kwaderno'y ginalaw

nais ko munang magsulat bago pa makatulog
lalo na't buwan sa karimlan ay bilog na bilog
habang haraya sa guniguni ko'y umiinog
sa nagunita kaninang ang araw ay palubog

subalit buwan ay naritong siyang pinapaksa
pagkat nagpakita sa panahong nababahala
habang sinindihan ko ang ikalawang kandila
bilang tanda ng paggalang sa mga namayapa

O, buwan, ikaw ang tanglaw sa panahong madilim
ikaw ang liwanag kung may nadamang paninimdim
lalo't aking katabi ang rosas na sinisimsim
ako'y naritong umiibig ng buong taimtim

- gregoriovbituinjr.
10.15.2021

Langgam sa isang tasang kape

LANGGAM SA ISANG TASANG KAPE

(Pasintabi kay Gat Amado V. Hernandez, national artist for literature, na naglathala ng aklat na Langaw sa Isang Basong Gatas.)

may nalunod palang langgam sa kape kong mainit
marunong ba siyang lumangoy at doon pumuslit
ilan pa kaya silang naglutangan doong pilit
iinumin ba o hindi, nag-isip akong saglit

ah, di ko iinumin kung lamok ang lumulutang
dahil baka ma-dengue pa tayo, di natin alam
baka may dala ring mikrobyo itong mga langgam
sayang ang kape o alagaan ang kalusugan?

nagsaliksik pa ako sa internet hinggil dito
wala pa raw namatay sa paglunok lamang nito
sabi pa ng isang blog, antiseptic naman ito
agam-agam ko'y paano kung may dalang mikrobyo?

O, langgam na kung saan-saan na lang tumutulay
tinuturing kang masipag sa bawat paglalakbay
kapara mo raw ay manggagawang sadyang masikhay
dahil nasa kape kita'y di ako mapalagay

- gregoriovbituinjr.
10.15.2021

Parasito

PARASITO

dalawang linggong ibinilad ni misis ang damit
di pa rin mamatay-matay ang kutong nakasabit
dumaan man sa washing machine, binilad sa init

nasa damit na nananahan ang kuto ng manok
mga parasito itong di pa matigok-tigok
paano bang kuto o hanip na ito'y malugmok

bukod sa kuto, mga lamok ay naririyan pa
lamok itong dengue ang dala, kundi man malarya
kaytagal pa namang dumating ng trak ng basura

huwag lang basura'y itapon sa katabing gubat
lalo na't plastik, aba'y huwag sa gubat ikalat
baka dumami ang lamok na sa atin mangagat

ah, katabi man ng masukal na gubat sa bundok
mahalaga'y malinis ang bahay, di nilalamok
kaysarap pang matulog dito lalo na't inantok

magtanim sa paligid ng anumang magugulay
upang pag ito'y lumago, may aanihing tunay
minsan, kita'y maghuntahan dito sa munting bahay

- gregoriovbituinjr.
10.15.2021