Biyernes, Pebrero 28, 2025

Pagkakalat at paglilinis

PAGKAKALAT AT PAGLILINIS

nasita ang isa ngunit matindi ang kanilang sagutan
na paksa'y hinggil sa pagkakalat sa ating kapaligiran:
"Tapon ka nang tapon ng basura sa kalsada. Ano ka ba?"
"Hello! Nasa Pilipinas pa tayo. Ano ini-expect mo?"

ang isa'y batid kung bakit di dapat magkalat sa kalsada
subalit isa'y siniraan na ang sariling bansa niya
di ba't nagsisikap tayong bansa'y maging maganda sa mata
subalit marami pa rin talaga ang walang disiplina

kaya pagsikapan pa nating maging malinis ang paligid
sapagkat nais nating may mensaheng maaya tayong hatid
na kalinisan ng paligid ay dapat nating mapabatid
gawin natin ang dapat bagamat minsan tayo'y nauumid

- gregoriovbituinjr.
02.28.2025

* batay sa komiks mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 20, 2025, p. 4

Hila mo, hinto ko, sa tamang babaan

HILA MO, HINTO KO, SA TAMANG BABAAN

ilang beses ko nang / nababasa iyon
'Hila mo, hinto ko, / sa tamang babaan'
sintunog ng isang / kasabihan noon
'Buntot mo, hila mo' / sa aklat nalaman

madalas mabasa / sa nasasakyang dyip
bilin nilang iyon, / hilahin ang tali
kung nais pumara / at umibis ng dyip
kung sa pupuntahan / ay nagmamadali

mayroong iilaw / sa tabi ng drayber
o kaya'y tutunog / pag tali'y hinatak
pag nakita iyon / o dinig ng tsuper
agad nang titigil / kahit sa malubak

noon, sisigaw lang: / 'Sa tabi lang. Para!'
paano kung bingi / ang drayber na ito?
sinasanay tayo / sa teknolohiya
paunti-unti man / at di pa moderno

- gregoriovbituinjr.
02.28.2025

Pagpapa-riso ng polyeto

PAGPAPA-RISO NG POLYETO

minsan, kailangan ding bumunot sa bulsa
pag naubusan na ng pamigay sa masa
upang ipagpatuloy ang pangangampanya
sa kandidatong prinsipyado't makamasa

dalawang kandidatong pag-asa ng bayan
matitinding kalaban ng katiwalian
kakampi ng manggagawa, di ng mayaman
kasangga ng maralita, di ng gahaman

Ka Leody de Guzman at Luke Espiritu
ang ating pambato sa loob ng Senado
dapat natin silang ikampanya ng todo
ang kanilang plataporma'y nasa polyeto

ipabasa sa higit na nakararami
at ipaunawa ang kanilang mensahe:
huwag iboto ang political dynasty
sa Senado, boses ng masa, magsisilbi

kaya polyeto nila'y ipina-riso rin
nang madagdagan ang ipamimigay namin
buti't may salaping sa bulsa'y bubunutin
upang sa pangangampanya'y di kukulangin

- gregoriovbituinjr.
02.28.2025