Miyerkules, Nobyembre 9, 2022

Expiry date

EXPIRY DATE

aba'y saktong isang buwan ang expiry date
ng nabili naming anong tamis na biskwit
na nakatatak sa pinagbalutang plastik
na dagdag basura kung di ie-ecobrick

mabuti't ganito'y inilalahad naman
upang konsyumador ay may pagpipilian
upang pag kinain, di sumakit ang tiyan
expiry date ay tatak ng kasiguruhan

tatlong piso ang balot, laman din ay tatlo
aba'y piso lang pala ang isang piraso
na ibibigay ko sa paboritong apo
na matiyagang mag-aral upang matuto

luma ba ang biskwit o pwede pang kainin?
tingnan muna ang expiry date ng bibilhin
mabuti't nakalagay sa binili natin
upang sa huli'y di ka magsising alipin

- gregoriovbituinjr.
11.09.2022

Haraya

HARAYA

sabi'y balikan ang busilak na imahinasyon
haraya'y paganahin, huwag laging nakakahon
sa isang paksa o silid, minsan ay maglimayon
galugarin ang paligid, balikan ang kahapon

baka matanaw ang kawan ng ibong lumilipad
sa mandaragit, ang inakay ay huwag ilantad
yaon daw laki sa layaw ay karaniwang hubad
alagaan ang kutis kung sa araw nakabilad

pumapailanglang ang haraya hanggang sa dulo
at muling bubulusok tungo sa putikang kanto
aaliwalas ang langit, maya-maya'y may bagyo
ingat lang sa lestospirosis kapag nagdelubyo

patuloy tayong kumibo pag may isyung pangmadla
dahil nagmamakata'y mamamayan din ng bansa
kung may bulkang sasabog o rumaragasang baha
o pagtaas ng presyo'y pahirap sa manggagawa

sa ating mga katha'y magandang isalarawan
maging pagsasamantala't buhay ng karaniwan
ngitngit ng kalikasan, pagbabago ng lipunan
ito'y ating ambag sa pagyabong ng panitikan

- gregoriovbituinjr.
11.09.2022

Ang makatang Jason Chancoco at ako

ANG MAKATANG JASON CHANCOCO AT AKO

makatang Bikolano, ka-batch ko siya sa LIRA
doon nakilala, higit dalawang dekada na
kaklase namin si Edgar Samar na nobelista
makatang Jose Jason Chancoco ang ngalan niya

muling nagkatagpo isang dekada ang lumipas
na sa paanyaya ng makatang Raul Funilas
ay tumugon, nagkakwentuhan, alak ay nilabas
at nakunan ng litratong may lawrel ni Balagtas

animo sa Balagtasan kami ay nagtagisan
nang lawrel na makintab, aming ulo'y pinutungan
makatang Santiago Villafania, kami'y kinunan
habang ang iba pang makata'y nagkakatuwaan

pagbati'y aking pinaaabot kay klasmeyt Jason
na nakapaglathala ng aklat ng tula noon:
ang Pagsasatubuanan: Poetikang Bikolnon
na sa pagbasa nito sa aki'y malaking hamon

mabuhay ka at iyong mga tula, pagpupugay
sa kapwa makatang talagang dekalibreng tunay
sana kay Sir Rio balang araw ay maihanay
haraya'y pailanlangin, sa'yo'y isa pang tagay!

- gregoriovbituinjr.
11.09.2022

* LIRA - Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo
* magkaklase sa LIRA: Setyembre 2001 - Marso 2002
* taon 2009 nang nalathala ang Pagsasatubuanan
* kuha ang litrato noong 2013

Tosilog

TOSILOG

nang magka-COVID ako noon, ang payo ni Ninang:
tigilan muna ang pamumuhay kong vegetarian
magkarne, dapat mayroong protina sa katawan
magkarne't magpalakas, magkalaman ang kalamnan

anong sakit man sa loob, sinunod ko ang payo
para sa kabutihan ko rin yaring tinutungo
pagiging vegetarian ay di pa rin maglalaho
lalo't prinsipyong makakalikasa'y sinapuso

kaya nang minsang magutom, umorder ng tosilog
na kombinasyon ng tosino, sinangag at itlog
o kaya naman ay tosino, sinaing at itlog
maganda raw ito sa tulad kong di naman kalog

bagamat minsan lamang magkarne, natutulala
ang madalas ay gulay at isda, nakakatula
bigas na kinanda o red rice, puspos talinghaga
lalo't kasama sa hapag ay magandang diwata

paminsan-minsan lang magkarne, vegetarian pa rin
lalo't mahal ang kilo nito, nag-budgetarian din
okra, talong, kamatis at galunggong ang bibilhin
talbos ng petsay, sili't kintsay, isapaw sa kanin

- gregoriovbituinjr.
11.09.2022