Huwebes, Disyembre 19, 2013

Ang nawalang kapatid ng sakristan, kwento ni Father Joel

ANG NAWALANG KAPATID NG SAKRISTAN, KWENTO NI FR. JOEL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tumuloy kami nang pansamantala sa simbahan
upang kami'y bumiyaheng muli kinabukasan
at sa kura paroko kami'y nakipagkwentuhan
ako'y naantig sa kinwento niyang karanasan
hinggil sa matagal na niyang nagsilbing sakristan

kasagsagan noon ng pagdaluyong ni Yolanda
kaybilis at biglang taas ng tubig sa kanila
nasa ikalawang palapag ng simbahan sila
tinutulungan ang maraming taong makasampa
upang makaligtas sa biglaang pananalasa

nakita ng sakristan ang mahal niyang kapatid
inabot niya ng kamay nang di ito mabulid
ngunit ibang kamay ang nasampa't siya'y naumid
nasaan na, nawawala na ang kanyang kapatid
kaylakas ng bagyo, napigilan siyang sumisid

ilang araw bago kapatid niya'y natagpuan
wala nang yaong buhay, nasa malayong putikan
dahil sa nangyari, tuluyang siyang nagpaalam
sa matagal-tagal ding pinagsilbihang simbahan
ang nangyari'y anong sakit na di malilimutan

* Si Fr. Joel ang kura paroko sa St. Vincent Ferrer Parish sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakadaupang palad namin noong Disyembre 3, 2013 bilang bahagi ng People's Caravan upang maghatid ng tulong sa mga sinalanta ng matinding bagyong Yolanda

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa Brgy. Canramos, Tanauan, Leyte, na nakaranas ng daluyong ni Yolanda

"Help! Food, Water" sa bubong ng bahay

"HELP! FOOD, WATER" SA BUBONG NG BAHAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakasakaling matanaw ng mga nasa itaas
ang paghingi ng mga tao ng tulong sa labas
ipininta na nila ang "Help! Food, Water" sa bubong
baka may makaalala pang mag-abot ng tulong
animo'y "No Man's Land" ang malayong lugar na ito
na bubong na iyon ay nakunan ko ng litrato
di iyon naisulat kung danas ay di matindi
ngunit dapat maligtas ang buong bayang sakbibi
ng lumbay at gutom, tila walang kinabukasang
naghihintay, subalit may pag-asa pa ring asam
"Help! Food, Water", sumamo ng ating mga kapatid
bakasakaling may makatanaw sa himpapawid
malupit ang palad na walang makahalintulad
dahil sa Yolanda'y paano ba makauusad
dapat ang pamahalaan ay agad makatugon
lalo't kayrami nang bayan at kabayang nilamon

* ang mga litrato'y kuha ng may-akda noong Disyembre 3, 2013 sa nadaanang nasalanta ng bagyong Yolanda sa Leyte

Pagsapit ng Km 687 patungong Leyte

PAGSAPIT SA KM 687 PATUNGONG LEYTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nagpahinga muna kami't dyumingel sa may tabi
napansin ko ang marker, sadyang malayo na kami
buti't may dala kaming tinapay at ilang kendi
na baon habang patungo sa nasalantang Leyte

tila apektado rin ang lugar na tinigilan
bagamat di iyon ang sentro't ibang lalawigan
may mga bahayang wasak at wala nang bubungan
maya-maya lang kami sa trak na'y nagsisakayan

ilan lang kaming sakay ng dalawang trak, isang van
habang relief goods ang sa mahahabang trak ay lulan
mabuti't ako'y nakasama sa People's Caravan
pagkat naging saksi sa nasalantang kababayan

sa kabila niyon, may pag-asa pa't makatitindig
ang bayang sa anumang unos ay di palulupig

- 19 Disyembre 2013

* ang dalawang litrato'y kuha ng may-akda bandang Samar, Disyembre 2, 2013