Sabado, Nobyembre 4, 2017

Batang Henyo (Batanggenyo)

marunong ding manindigan ang mga batang henyo
tindig na sintalas ng balisong ng Batanggenyo
di uurong sa laban, nagsusuri, matalino
napaglalangan din ang sinumang unggoy na tuso

sadya ngang kayraming batang henyo sa kasaysayan
na umugit sa kapalaran ng mahal kong bayan
batang henyong nagsikilos para sa kalayaan
may kakaibang isip, pinaunlad ang lipunan

hinasa hanggang sintalas ng balisong ang isip
may mga pagmamatuwid na noo'y di malirip
abante ang diwa at may prinsipyong halukipkip
sa mga problema'y may kalutasang nahahagip

pawang nagsikilos upang bayan nati'y maadya
mula sa pagsasamantala ng mga kuhila
mga pagsisikap nila'y tanda ng pagpapala
tulad ng mga lipak sa kamay ng manggagawa

- gregbituinjr.