Linggo, Hunyo 21, 2009

Suntok sa Buwan

SUNTOK SA BUWAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig

paano susuntukin ang buwan
kung ikaw’y palambot-lambot naman

nais mo bang mawalang tuluyan
ang angkin niyang kaliwanagan

paano kung gantihan ka niyan
masasaktan payat mong katawan

at pag nadale ka na sa tiyan
aaga yaong gabing karimlan

kung nais mong siya’y mapuruhan
dapat mo lang siyang paghandaan

nang galit mo sa mundo’y maibsan
ngunit bakit dinamay ang buwan

ay, ano nga ba ang katuturan
pag pinagsusuntok mo ang buwan

ikaw ba nama’y masisiyahan
at sa puso’y may kapayapaan

o iyan ay isang kahangalan
ng utak na minsa’y nadirimlan

a, pagmasdan mo na lang ang buwan
nang kanyang ganda’y mapanagimpan

Ang Bumangga sa Manggagawa

ANG BUMANGGA SA MANGGAGAWA
tanaga
ni Greg Bituin Jr.

ang sinumang bumangga
sa uring manggagawa
ay tiyak magigiba
at tuluyang luluha

(tanaga - taal na tulang tagalog, binubuo ng apat na taludtod at may pitong pantig sa bawat taludtod)

Sa Pangulong Kuhila

SA PANGULONG KUHILA
7 pantig bawat taludtod
ni Greg Bituin Jr.

sa pangulong kuhila
sadyang walang napala
ang mga maralita
sa kanyang pinanata

bahay nati'y giniba
buhay nati'y lumubha
hirap nati'y humaba
luha nati'y bumaha

wala siyang nagawa
sa tulad nating dukha
nakatira sa lungga
mahirap pa sa daga

di dapat maniwala
sa pangulong kuhila
ang dulot niya'y luha
sa ating mga dukha

pangako na'y sinira
di nagpapakumbaba
halina at maghanda
ibagsak ang kuhila

(kuhila - matandang tagalog sa palamara, sukab, lilo, imbi o taksil, ginamit ni Balagtas sa kanyang Florante at Laura laban sa mga prayleng kuhila)

Sa Pagdalo sa Kamayan

SA PAGDALO SA KAMAYAN
ni Greg Bituin Jr.
14 pantig

maraming salamat sa mabuting nilalayon
ng kalatas na itong hatid sa aming nayon
sa inyong tinakdang pulong ako'y paroroon
matamang makikinig, di para maglimayon

basta't sa ikabubuti nitong kalikasan
at sa ikagaganda nitong kapaligiran
akong simpleng makata'y inyong pakaasahan
taos na tutulong sa abot ng kakayahan

kaya nga't magkita-kita tayo sa Kamayan
magbahaginan at matuto sa talakayan
upang makapag-ambag tayo kahit munti man
sa ikabubuti ng kalikasan at bayan

aasahan naming tayo'y magkikita doon
upang magkaisa sa napakagandang layon

(ang tulang ito'y tugon sa isang paanyayang dumalo sa talakayang pangkalikasan sa Kamayan-Edsa tuwing ikatlong Biyernes bawat buwan mula pa Marso 1990, dinadaluhan ko na ito mula 1997, gayunman ginawan ko ito ng tula para sa nag-anyaya)

Ang Uwak at ang Trapo

ANG UWAK AT ANG TRAPO
tula ni Greg Bituin Jr.
9 pantig

Uwak lamang ang tumatawag
Sa sarili niyang pangalan

Kapara nitong mga trapo
Na bukambibig lagi'y "Ako"

"Ako ang nagpagawa niyan
Ako rin ang nagpondo riyan

Sa akin ang ganyang proyekto
Iyon nama'y pinagawa ko

Pinasemento ko ang daan
Pati na iyang basketbulan

Dahil ako nga'y makatao
Dapat ako'y inyong iboto!"

Siya ba'y talagang seryoso
Na makapaglingkod sa tao?

Tingin sa maralita'y boto
Tingin sa serbisyo'y negosyo

Pag nasa pwesto na't hinanap
Aba'y di agad mahagilap

Istorbo ang tingin sa masa
Pag nilapitan sa problema

Siya ba'y sadyang mapagpanggap?
Pag halalan lang lumilingap?

Pulos "Ako" ang maririnig
Tila uwak ay dinadaig

Kapwa parehong sinasambit
Ngalan nila sa lumalapit

"Uwak, uwak," sabi ng isa
"Ako, ako," anang isa pa.

(binagong bersyon ng nauna kong tulang pinamagatang "Uwak at Pulitiko")