Miyerkules, Hunyo 2, 2021

Organisador

naalimpungatan akong bumibilis ang pintig
sa bawat kaluskos na animo'y nais mang-usig
at pinakinggan kong muli ang huni ng kuliglig
sinumbong ang kalupitan ng makaisangpanig

at dapat kong mabasang muli ang kanilang kaso
upang pangarap na hustisya'y kanilang matamo
sinumpaang salaysay ay namnamin kung totoo
at ebidensya ng katunggali'y dapat marebyu

di lamang pawang krimen kundi isyung karapatan
na kung sa maralita'y isyu ng paninirahan
na sa obrero, kontraktwalisasyon ay labanan
pati na karahasan laban sa kababaihan

di man abugado, karapatan dapat ay batid
upang luku-lukong awtoridad ay di balakid
sa ating karapatan, para sa bawat kapatid
upang sa dilim, di nila tayo basta ibulid

dapat lang lupigin ang mga mapagsamantala
at ating maitayo ang makataong sistema
tunay na umiiral ang panlipunang hustisya
karapatang pantao'y igalang ng bawat isa

at naalimpungatan akong may bago nang mundo
wala nang upos at plastik na basurang totoo
wala nang tokhang at kaplastikan sa mga tao
at bawat isa'y sadyang nakikipagkapwa-tao

- gregoriovbituinjr.06.02.2021

SIKLAT pala ang Tagalog ng TOOTHPICK

SIKLAT PALA ANG TAGALOG NG TOOTHPICK

siklat pala ang tagalog ng toothpik, ows, talaga?
salitang Ingles na sa atin, may katumbas pala
ito naman ay nadaanan lang ng aking mata
habang sa isang talatinigan, may binabasa

bagamat may iba pang kahulugan iyang siklat
bakod, o biyak sa solido, o tulos ng baklad
o masamang rekord, aking nasaliksik na'y sapat
na toothpick pala'y may sariling salitang katapat

at nagpasyang gawan ng tula ang salitang ito
o kaya naman hinggil dito'y kumatha ng kwento
pagkakain nga'y dapat lagi tayong magsipilyo
kung nasa restoran, siklat ay gamiting totoo

sinusundot ng siklat yaong tinga pagkakain
dama'y maraming nakasingit na alalahanin
ano bang paniklat ang dapat ginagamit natin
upang di masira sa kasusundot itong ngipin

ah, may bagong katawagan na si Kumander Toothpick
pelikula ni Herbert noon, sa takilya'y lintik
ngayon sa tula'y gamiting walang patumpik-tumpik
patunayang sa taal na salita, bansa'y hitik

* siklat - (Sinaunang Tagalog) tinik o palito na pantanggal ng tinga sa ngipin, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1136

Pag-abang sa pagbabalik ng dating tambayan

PAG-ABANG SA PAGBABALIK NG DATING TAMBAYAN

araw ng kababaihan nang maabo sa sunog 
ang U.P. Shopping Center na naging tambayan noon
at naisulat ko ang aking alaala roon
hinggil sa nakaraang higit dalawampung taon

pagkat doon ko natutunan at nailathala
higit dalawampung aklat ng sanaysay ko't tula
natuto paano mag-bookbind, pulido ang gawa
mula Philcoa hanggang doon, nilalakad pa nga

malapit lang kasi iyon sa pambansang tanggapan
ng aming opisina mula nang ako'y mag-pultaym
lahat ng atas na paseroks, iyon ang puntahan
kaya nakabuo rin ng maraming kaibigan

kahapon nga'y magpapa-seroks sana sa Philcoa
nagpunta akong kay-aga subalit sarado pa
buti't may dyip na pa-U.P. at agad sumakay na
sa tapat ng nasunog na Center, nagpaseroks na

nilakad patungong Commonwealth pagkat wala pang dyip
mahirap magbakay ng dyip lalo't nakakainip
nadaanang ginagawa ang U.P. Shopping Center
magandang balita, ito ang agad kong naisip

may karatula, aking binasa't nilitratuhan
sa susunod pang taon puntiryang matapos iyan
mga paseroksan kaya rito't magbabalikan
ah, pagbabalik ng dating tambayan ay abangan

- gregoriovbituinjr.
06.02.2021

Tigib ng pag-asa ang bagong umaga

nakangiting sumilay ang araw ngayong umaga
kaya kayganda ng gising na tigib ng pag-asa
sumalubong itong tila baga nanghaharana
banas ng panahon ay halos di na alintana

umawit ang mga ibong pumalit sa kuliglig
na kay-iingay talaga kagabing anong lamig
habang nananariwa ang mga danas at tindig
habang pagaling ang balantukang sugat sa bisig

may uusbong pa bang pag-asa sa panahong tokhang
kung saan kayraming ulupong yaong namamaslang
walang due process, di ito batid ng mga halang
wastong proseso ng batas ay di na iginalang

may pag-asa pa't may-atas ay mapapalitan din
bu-ang na may utos ng krimen ay papanagutin
patuloy ang laban, panlipunang hustisya'y kamtin
magpakatao't makipagkapwa'y patnubay natin

kagabi'y malakas ang unos, mag-aalala ka
sa bawat gabing madilim ay may bagong umaga
tanawin natin itong may nakangiting pag-asa
na panlipunang hustisya'y kakamtin din ng masa

- gregoriovbituinjr.
06.02.2021

Habang nagbabakay ng dyip kagabi

HABANG NAGBABAKAY NG DYIP KAGABI

minsan ay balat-kalabaw lang ako sa anuman
kung anu-ano kasi'y naglalaro sa isipan
iba raw ang tinitingnan kaysa tinititigan
habang nagbabakay ng dyip sa malayong lansangan

kaytayog ng lipad ng lawin sa himpapawirin
habang ginagalugad ng tingin ang panginorin
bakit nga ba kayraming proyekto ang nabibinbin
kaya namang matapos ay bakit hindi tapusin

dahil ba maraming sa mundo'y mapagbalatkayo
kaya iba'y nagkukuwari na lang sila'y dungo
upang makaiwas sa anumang tukso't siphayo
na di malaman kung problema'y kaya pang maglaho

No Mask at No Facemask ang nasulat sa karatula
habang sa litrato'y Mask at Face Shield ang nakikita
pag wala ka nito'y di ka pasasakayin nila
may typo error na pala'y bakit pa inilarga

tamad nga ba ang editor na di sapat ang sahod
o kaya pinalathala na'y dahil din sa pagod
nagbabakay ng dyip ay bakit biglang napatanghod
at nakita pa ang typo error na natalisod

maya-maya'y dumating din ang inaasahang dyip
sa kabila ng halos sang-oras na pagkainip
akala ko ngang sa pagkakatayo'y nakaidlip
at humahabi na ng salita sa panaginip

- gregoriovbituinjr.