Huwebes, Marso 25, 2021

Ang bilin ng matandang tibak

natatandaan ko ang bilin ng matandang tibak
na kilala ng madla sa natatanging halakhak
na tulad ko'y napiit at gumapang din sa lusak
dahil lumalaban sa mang-aapi't naninindak
wala na siya, ngunit siya'y sa akin tumatak

tanda ko nang matandang tibak sa aki'y nangusap:
"Makipagsagupa sa mga buktot kung maganap
at itulad ka lang sa sisiw na sisiyap-siyap
pagdatal ng sandaling iyon, huwag kang kukurap
at baka masilat ka ng burgesyang mapagpanggap."

"Amuyin mo ang kanilang baho't kabisaduhin
malalansa nilang salita't halakhak ay dinggin
makiramdam kang mabuti kahit na nakapiring
ngunit huwag kang papayag na kanilang babuyin
sa harap ng kamatayan, may dignidad kang angkin"

- gregoriovbituinjr.

Itim

anong sala ng pusang itim upang katakutan?
dahil itim ang kulay ay dapat nating layuan?
anong sala ng dagang itim upang pandirihan?
dahil itim ang kulay ay dapat nang kamuhian?

anong sanhi ng kaitiman ng uwak sa mundo?
dahil ba maitim, masama na ang budhi nito?
anong sanhi ng maitim na lamok at insekto?
dahil ba maitim, dengge't bayrus na'y dala nito?

anong sala ng Negrito, unang tao sa bansa?
dahil itim ang kulay, sila'y ikinahihiya?
anong sala ng Aprikano, at kinakawawa?
dahil itim ang kulay ay inaaliping sadya?

doon sa Kartilya ng Katipunan nasusulat
na "Maitim man o maputi ang kulay ng balat
lahat ng tao’y magkakapantay," wow! anong bigat!
pagpapakatao'y dapat maunawa ng lahat

kay Bill Allen: "Black is Beautiful", magandang ideya
"My Black is beautiful Poem", tula ni Simply Jimyra
"Black Power" kina Kwame Ture at Mukasa Dada
ang "Black is Beautiful" ay isa nang pilosopiya

- gregoriovbituinjr.