Huwebes, Setyembre 16, 2010

Ang Ganap na Paglaya

ANG GANAP NA PAGLAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod, soneto

hindi tayo magiging ganap na malaya
hangga't may natitira pang kapitalista
patuloy pa ang buhay na kaawaawa
hangga't may kapitalista pang humihinga

bitayin lahat ng kapitalistang ito
hanggang kanilang dugo'y tuluyang matuyo
at walang ititira sa kapitalismo
hanggang sistemang ito'y tuluyang maglaho

organisahin mo ang sarili mong uri
ikaw na manggagawang sa mundo'y nagsilbi
durugin mo ang elitista, hari, pari
pati kauri nilang pawang mang-aapi

makakamtan din ang paglayang pinangarap
pag ang kapitalismo'y naglaho nang ganap

Sa Panahon ng mga Hampaslupa

SA PANAHON NG MGA HAMPASLUPA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayrami na naman ng idinedemolis
sadyang buhay na ito'y pawang pagtitiis
walang hustisya sa buhay na itong amis
pagsasamantala na nila'y labis-labis
at ang mga dukha'y kanilang winawalis

di makatarungan ang kanilang ginawa
binubusabos tayo ng mga kuhila
tunggalian ng uri'y kailan huhupa
kailan mag-aaklas yaong kinawawa
darating din ang panahon ng hampaslupa

kung sakaling panahong iyo'y dumating
at lahat ng api'y tuluyan nang magising
mula sa matagal nating pagkakahimbing
puso't diwa natin sa hustisya'y ibaling
tuluyang lusawin itong burgesyang praning

di na matitiis ang pulos dusa't luha
ibabagsak itong sistemang walang awa
itatayo ang lipunan ng manggagawa
hanggang sa panahong wala nang hampaslupa
ito ang rebolusyon ng dukhang dakila