Miyerkules, Nobyembre 26, 2025

Ang pusà sa bintanà

ANG PUSÀ SA BINTANÀ

kung siya'y akin lang matatanong
kung bakit naroon sa bintanà
baka siya'y agad na tumugon:
"Gutom na ako. Penge ng isdâ."

siya pala'y parang kumakatok
upang siya'y agad kong mapansin
batid saan ako nakaluklok
upang humingi ng makakain

nagsaing ako't bumiling ulam
may pritong tilapya at may gulay
at tinupad ko ang kanyang asam
natira sa isda ang binigay

sa mga pusa'y maging mabait
parang pakikipagkapwa iyan
kung meron lang, huwag ipagkait
ituring din silang kaibigan 

- gregoriovbituinjr.
11.26.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/r/1FySuSgDN3/ 

At isinilang ang tatlong kuting

AT ISINILANG ANG TATLONG KUTING

nanganak na pala itong inahing pusâ
na tambay sa tarangkahan ng aming bahay
kayrami ko nang pakakaining alagâ
basta mga dagâ lang ay mawalang tunay

may mga bago ring paglilibangan ako
bibigyan ng tira sa isda, hahaplusin
may mga bagong sasalubong pagdating ko
pag may dalang tira-tira, ipapakain

nadagdag na ang tatlong kuting sa daigdig
marahil matatapang din gaya ng ina
kaya sa mga daga'y may bagong lulupig
habang akong narito'y tutulaan sila

mahal pa sa kilong bigas ang kilong cat food
kaya ibibigay ko'y isda, ulo't hasang
ang mapakain lang sila'y nakalulugod
sana'y lumaki silang malusog, matapang

- gregoriovbituinjr.
11.26.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa: https://www.facebook.com/share/v/19t5tyqfep/ 

Bawat araw, may tulâ

BAWAT ARAW, MAY TULÂ

kahit nasa rali sa lansangan
o kaya'y pagbangon sa higaan
pagkakain ng pananghalian
o kaya'y matapos ang hapunan
titiyaking may tulâ na naman

araw at gabi, ako'y kakathâ
madaling araw, babangon sadyâ
upang kathain ang nasa diwà
nasa kaloobang lumuluhà
samutsaring paksâ, lumilikhâ

bawat araw ay may tulang handog
sa ganyan, pagkatao'y nahubog
sa tula, sarili'y binubugbog
paksa'y bayan, kalikasan, irog
misyon hanggang araw ko'y lumubog

- gregoriovbituinjr.
11.26.2025