Martes, Mayo 6, 2008

Bata, Bata, Kay Aga Mong Tumanda

BATA, BATA, KAY AGA MONG TUMANDA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bata batuta, isang perang muta
Ang siyang awit ng ilang mga bata
Ngunit bakit nga ba sa murang gulang
Ay nagmistula silang mga batang gurang.

Bata, bata, bakit ba kay aga mong tumanda
Musmos pa’y agad naging manggagawa
Iginagapang mo ba sa pag-aaral si ama
At naghahanap ng gatas para kay ina?

Lakas-paggawa nila’y hindi naman sulit
Natatanggap na sweldo’y sadyang maliit
Wala pang benepisyo silang nakakamit
Ang kalagayan nila’y dapat lang ikangitngit.

Murang katawan nila’y ginagamit
Presyo ng lakas-paggawa nila’y inuumit
Masusuklam dito kahit na ang langit
Sa kalagayang ito ng mga paslit.

Anong ating gagawin, o kapwa maralita
Bakit pumapayag sa ganitong mga gawa
Mga batang ito’y kay agang napariwara
Sa murang gulang sila ay kinakawawa.

Ah, itong bulok na sistema ang siyang dahilan
Kung bakit nasadlak sila sa kahirapan
Sa eskwelahan dapat sila, hindi sa pagawaan
Mga karapatan nila’y dapat nilang malaman

Kaya tayo nang mag-organisa, o mga maralita
Organisahin ang nagtatrabahong mga bata
Dapat nang matigil iong kalagayan nilang dusta
At sa eskwelahan ay ibalik ang batang inaba.

 Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo XII, Blg 2, p.8
Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

SCHNEIDER, Setyembre 13, 2005

SCHNEIDER, Setyembre 13, 2005
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Ang manggagawang si Ka Teotimo Dante ng pabrikang Schneider sa Lungsod ng Kalookan ay napaslang umano ng mga gwardya ng kapitalista sa piketlayn.)

Piketlayn ng Schneider ay nahilahil
Binaboy nitong kapitalistang sutil
Kapatid nating manggagawa’y sinupil
Sila’y ginamitan ng dahas ng baril.

Obrero ng Schneider ay kinawawà
Natigmak ng dugo, hinagpis at luhà
Mga manggagawa’y tinadtad ng tinggâ
Walong sugatan at isa’y bumulagtâ.

Kaya sa obrero’y agad umukilkil
Gulong ng hustisya’y di dapat tumigil
At kaming naiwan dito’y di titigil
Hanggang sa managot yaong mga taksil.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg 4, Taon 2005, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Walang Amo

WALANG AMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(siyamang pantig bawat taludtod)

Hindi kailangang may hari
Hindi kailangang may amo
Hindi dapat may panginoon
Dapat walang kapitalista
O panginoong maylupa man.

Dapat pantay ang kalagayan
Walang mahirap o mayaman
Dahil ito ang nakasulat
D'un sa mapagpalayang aklat
Ng katarungang panlipunan.

Lahat tayo'y ipinanganak
Kung saan lahat tayo'y hubad
At lahat tayo'y mamamatay
At parehong malilibing sa hukay

Tayo ba'y pantay-pantay lamang
Sa pagkasilang sa daigdig
At paglisan dito sa mundo
Pero sa buo nating buhay
Pagkapantay ay di natamo.

Ah, ngunit kahit sa libingan
Ay di rin naman sadyang pantay
Sa mayaman ay musoleo.
Sa mahirap, isa lamang krus.

Ang maganda lang sa paglisan
Sa mundong ibabaw ay itong
Pantay na nilang kalagayan
Pagkat wala na silang amo.

Sa Iyo, Sitio Mendez

SA IYO, Sitio Mendez

ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Ang Sitio Mendez ay isang komunidad sa Baesa, Quezon City, kung saan nagtagumpay silang makabalik sa kanilang lugar isang buwan matapos silang idemolis noong Hulyo 1997.)



Oh, Sitio Mendez, ikaw ay kanilang nilait

Buhay mo’y sinira nila, sila na kaylupit

Para lang makuha, tahanan mong kayliit

Bahay mo’y winasak, kanila itong inilit.


Sinadya ka nilang isadlak sa hirap at pasakit

Hiniya ka nila kahit sa mata ng mga paslit

Ah, ito’y isang karanasang sadyang napakapait

Nilabanan mo sila’t di nagpadaig sa hagupit.


Di ba’t tama lamang naman ang iyong iginiit

Ngunit ikaw ay sadya nga nilang ginigipit

Doon sa lusak ay pinagapang ka nilang pilit

Kaya galit mo’y parang apoy na nagdirikit.


Tama lamang na karapatan mo’y iyong iginiit

Dinurog mo sila hanggang sila’y di na makahirit

Kaya nga’t mga tumbong nila’y parang pinilipit

Ang tagumpay mo, Sitio Mendez, ay iyong nakamit.


O, Sitio Mendez, nagbalik ka sa pinagmulan

Nagtagumpay ka mula sa matagal na labanan

Dahil sa pagkakaisa at tatag ng paninindigan

Nagbunga ng sigla ang matibay na kalooban.


Kalaban mo’y nagsiurong dahil sa pagkakaisa

Ng buong pamunuan at lahat ng mga kasama

Kaya’t ikaw ang totoong bayani, hindi ang iba

Hindi ang mga pulitikong nakikiagaw ng eksena.


Ang tagumpay mo’y di namin malilimutan

Halimbawa mo’y uukilkil lagi sa aming isipan

O, Sitio Mendez, inspirasyon ka na ng sambayanan

Kaya’t isinulat ka namin sa aklat ng kasaysayan.


Tagumpay mo’y tagumpay ng uring anakpawis

Ikaw ay huwarang bayani, O, Sitio Mendez

Huwag ng magpalamang sa sinumang Herodes

Dahil sa mata ng madla, ikaw pa rin ang Da Best.