Lunes, Pebrero 14, 2022

Liberty

LIBERTY

ang puso ko'y lumulukso
kapag nakikita kita
O, tunay kang pag-ibig ko
rosas kitang anong pula

sa Araw ng mga Puso
nais kong makapiling ka
ikaw ang tanging kasuyo
at minumutyang talaga

sa iyo lang narahuyo
itong makata ng masa
hiling sana'y di maglaho
ang iwi nating pagsinta

Kalayaan o Liberty
o Freedom o Kasarinlan
tangi kitang binibini
ng puso't kinalulugdan

Liberty ng aking buhay
Kalayaan man ang asam
Freedom man ang aking pakay
Kasarinla'y makakamtan

Happy Valentine's Day sa'yo
mahal, iniibig kita
tandaang ako'y narito
lagi para sa'yo, sinta

- gregoriovbituinjr.
02.14.2022

Tanging handog

TANGING HANDOG

regalo ko kay misis ay halamang hugis-puso
tanging handog sa iniibig ko ng buong-buo
"Hoya" raw ang tawag dito sa tanim ng pagsuyo
na ididilig ko'y pagsinta nang lalong lumago

pagmamahal ay nadarama sa tangi kong mutya
kaya nagtutulungan kami ng aking diwata
anumang sigwa o suliranin man ang magbadya
magsisikap na tunay upang kamtin ang adhika

Araw ng mga Puso'y anibersaryo ng kasal
sa civil wedding sa Tanay, alaalang dumatal
pang-apat na anibersaryo, ganyan na katagal
kaya tanim na hugis-puso ang handog sa mahal

Maligayang Araw ng mga Puso, aking sinta
at magkasama nating nilulutas ang problema
at sa anibersaryo ng ating kasal, O, sinta
tanging masasabi'y magpatuloy tayo tuwina

upang hubugin ang asam nating kinabukasan
upang pagsinta'y manatili sa kasalukuyan
upang hinaharap ay atin ding mapaglaanan
upang magiging anak at apo'y mapaghandaan

- gregoriovbituinjr.
02.14.2022

Leyon sa talampas

LEYON SA TALAMPAS

tila kami'y leyon sa talampas
mukhang mahina ngunit malakas
iniisip lagi'y pumarehas
at itayo ang lipunang patas

ganyan naman talaga ang tibak
kasangga ng api't hinahamak
na trosong bulok ay binabakbak
na trapong bugok ay binabagsak

di manhid sa mga nangyayari
sa mga isyu ng masa'y saksi
nilalabanan ang trapong imbi
at sa kalsada'y laging kasali

asam ay tunay na pagbabago
para sa kapwa dukha't obrero
na upang maging totoong tao
lubus-lubusin ang sosyalismo

pagpupugay sa nakikibaka
upang mabago na ang sistema
durugin ang trapo, dinastiya
hari, pari, burgesya, pasista

tayo man ay leyon sa talampas
hinuhubog ay magandang bukas
nasa isip lagi'y pumarehas
at itayo ang lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
02.14.2022