Miyerkules, Agosto 14, 2024

Bianca Pagdanganan, 4th Placer sa Golf sa Paris Olympics

BIANCA PAGDANGANAN, 4TH PLACER SA GOLF SA PARIS OLYMPICS

isa ka sa mga atletang aking inabangan
kung gintong medalya sa golf ay iyong makakamtan
sa ikaapat mong pwesto'y tagumpay ka rin naman
kaya ikaw ay marapat lang naming saluduhan

nakasama sa paglalakbay si Dottie Ardina
na golf din ang larangan at magaling ding atleta
panglabintatlong pwesto man yaong kanyang nakuha
ay dapat pa ring kilalanin ang tagumpay niya

nawa sa susunod ay makuha ninyo ang ginto
o medalyang pilak o kahit na medalyang tanso
sa larangang golf, naabot ninyo'y napakalayo
makakamit din ang tagumpay, huwag lang susuko

nagpapasalamat kami sa inyong matagumpay
na pagrepresenta sa bansa, kami'y nagpupugay
sa larangan n'yo'y magpatuloy lang kayong magsikhay
sa ating mga golfer, mabuhay kayo! MABUHAY!

- gregoriovbituinjr.
08.14.2024

* ulat ng Agosto 12, 2024 ,mula sa mga pahayagang Pilipino Star Ngayon (p.12), Bulgar (p.12), Abante (p.12), at Pang-Masa (p.8)

Yes sa wage increase!

YES SA WAGE INCREASE!

sa tanong nilang "Pabor ka ba sa wage increase?"
OO ang sagot ng obrerong mapagtiis
HINDI sa kapitalistang mapagmalabis
at HINDI rin sa negosyanteng mapantikis

anong klaseng tanong iyan? nakamumuhi!
pinakita lang nilang wala silang budhi
sa kayod-kalabaw na manggagawa kundi
ang mga tusong negosyante'y ipagwagi

kung obrero ka't nag-HINDI, aba'y gago ka!
tataasan ka na ng sahod, ayaw mo pa?!
kung kapitalista kang nag-OO, santo ka
lalamunin ka ng ibang kapitalista

tanga lang ang aayaw sa umentong iyon
kung obrero kang sa hirap at utang baon
kaya bakit Wage Board iyan ay itinanong
sila nga ba'y makakapitalista't buhong?

kapitalista'y palamunin ng obrero
kaya may tubo dahil sa nagtatrabaho
tengga ang pabrika kung wala ang obrero
panahon nang taasan ang kanilang sweldo

- gregoriovbituinjr.
08.14.2024

Pagpupugay kina Aira at Nesthy

PAGPUPUGAY KINA AIRA AT NESTHY

dalawang babaeng boksingero
dalawang bronze medalist sa Paris
Olympics, dangal ng Pilipino
kaygaling, kayhusay at kaybilis

sila na'y bayani kung ituring
hirap nila'y di nabalewala
maliliit man ay nakapuwing
sa mga boksingerong banyaga

Nesthy Petecio, Aira Villegas
bronze man ang medalya'y nagtagumpay
talagang nagniningning ang bukas
ninyo kaya kami'y nagpupugay!

mga pangalan n'yo'y naukit na
sa historya ng Olympics boxing
bansa nati'y binigyang pag-asa
na tayo pala'y may magagaling

bagamat di kayo nagkaginto
at pumangatlo lang sa labanan
patunay iyang medalyang tanso
sa utak, tapang n'yo't kahusayan

- gregoriovbituinjr.
08.14.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Agosto 11, 2024, pahina 12