Lunes, Setyembre 23, 2024

Papogi lang ang mga trapo

PAPOGI LANG ANG MGA TRAPO

ibinulgar ng Mambubulgar ang katotohanan
na ibinotong mga artista'y papogi lamang
na di makapagserbisyo ng matino sa bayan
ika nga ng sambayanan, sila'y hanggang porma lang

marami nga raw namamatay sa akala, di ba?
akala ng masa, gaganda na ang buhay nila
dahil binoto'y idolo nilang bida't artista
ngayon, tanong niya: "Ba't puro papogi lang sila?"

pinakitang nagdarasal ang masa sa litrato
na sinisisi'y mga artistang kanyang idolo
sumagot naman ang langit sa mahirap na ito:
"Iyan ang napapala ng bobotanteng tulad mo!"

walang pinag-iba sa dinastiyang pulitikal
na ilang henerasyon nang naupo nang kaytagal
na lugar ay hinahawakan ng kamay na bakal
subalit pag-unlad ng buhay ng masa'y kaybagal

tama na ang pamumuno ng mga naghahari
palitan na ang bulok na sistema, hari't pari
dapat tayong magkaisa sa diwang makauri
ilagay sa posisyon ay atin namang kauri

- gregoriovbituinjr.
09.23.2024

* komiks mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 23, 2024, pahina 4

Pera ng bayan

PERA NG BAYAN

paano ba dapat gamitin ang pera ng bayan?
dapat batid iyan ng sinumang nanunungkulan
dahil sila'y halal, ibinoto ng taumbayan
dapat sa kapakanang pangmasa ang katapatan

perang di dapat magamit sa sariling interes
kundi sa kapakanan ng maraming nagtitiis
sa hirap dahil sa kapritso ng kuhila't burgis
na katiwaliang ginawa'y makailang beses

dapat pera ng bayan ay gamitin sa serbisyo
ngunit di sa kapakanan ng tusong pulitiko
di para sa dinastiyang pulitikal at trapo
at lalo na, serbisyo'y di dapat ninenegosyo

kayraming corrupt na pera ng bayan ay inumit
iba'y ginagamit upang sila'y iboto ulit
dapat batid nilang iulat paano nagamit
ang pera ng bayan, gaano man iyon kaliit

ah, wala tayong kakampihan sa sinumang paksyon
ng naghaharing uri, kampon man niya o niyon
maging tapat lang ang halal sa sinumpaang misyon
ay makatitiyak ng suporta sinuman iyon

- gregoriovbituinjr.
09.23.2024

* ulat at litrato mula sa People's Journal Tonight, Setyembre 23, 2024

Lovely Inan, naka-2 ginto sa World Weightlifting

LOVELY INAN, NAKA-2 GINTO SA WORLD WEIGHTLIFTING

tulad ni Caloy Yulo, nakadalawang ginto rin
si Lovely Inan sa sinalihan niyang weightlifting
ayon sa ulat, nauna si Angeline Colonia
na makakuha rin ng dalawang gintong medalya

animo'y sinusundan nila ang nagawang bakas
ng Olympic gold medalist na si Hidylin Diaz
aba'y nahaharap sa magandang kinabukasan
ang ating mga Olympian sa nasabing larangan

Lovely Inan at Angeline Colonia, pagpupugay
sa napili ninyong larangan ay magpakahusay
sa mga bagong dugo'y tunay kayong inspirasyon
kapuri-puring binuhat ninyo ang ating nasyon

maraming salamat sa inyong inambag sa bansa
kayo'y magagaling at tunay na kahanga-hanga

- gregoriovbituinjr.
09.23.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 23, 2024, pahina 12