Lunes, Abril 18, 2016

Martsa'y hinarang ng kapulisan

MARTSA'Y HINARANG NG KAPULISAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

sa mga kasama'y tila umiigting ang poot
sa sistema sa lupang inaagaw ng balakyot
ngayon mga pulis itong nangharang na nagdulot
ng galit bakit ganito't sistema'y nananakot

payapa ang kanilang martsa, payapang-payapa
bagamat sumisigaw ng hustisya sa palupa
nang hinarang ng pulis, tila sila sinagupa
gayong nais lang isatinig ang danas na banta

nakipag-usap, isang oras din ang itinagal
at ipinakita pa rin ang kabutihang asal
maya-maya'y nagmartsa muli kahit na mabagal
habang ang tsinelas ng isang kasama'y napigtal

dapat handa't panatilihing malinaw ang isip
upang di magningas ang poot na kahalukipkip
sa gayon ngang pangyayari'y mahinahong malirip
ang tamang pasya't direksyon upang martsa'y masagip

* hinarang ng mga kapulisan ang Martsa ng Magsasaka sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Brgy. Tambo sa Parañaque, tapat ng Meralco, at malapit sa kanto ng Kabesang Cillo St., umaga ng Abril 18, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Determinasyon sa kanilang mata

DETERMINASYON SA KANILANG MATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

habang pinagmamasdan ko ang mga magsasaka
mula sa maghapong paglalakad, namamahinga
kita ko ang determinasyon sa kanilang mata
habang hinihiyaw ng kanilang loob: hustisya!

mahigit isandaang kilometrong paglalakad
mula lalawigan tungong lungsod upang ilahad
ang kawalang katarungang nais nilang malantad
upang sa puso'y kamtin ang kapayapaang hangad

kabuhayan ng magsasaka'y tila papalubog
ngayon naglalakad, paa man nila'y nalalamog
napakapayak lamang ng hiling, di anong tayog:
na coco levy fund na'y ibalik sa magniniyog!

* kinatha sa tinigilan namin sa Baclaran church noong Abril 18, 2016; ito ang ikalawang tulang binasa sa solidarity night sa DAR sa Elliptical Road sa Lungsod Quezon, Abril 20, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016

Repormang agraryo laban sa kapitalismo

REPORMANG AGRARYO LABAN SA KAPITALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

hindi lamang bukal ng pagkain at kabuhayan
ng magbubukid ang lupang kanilang binubungkal
ito'y bukal ng kultura nila't kinabukasan
mga pangarap nila'y dito nabuo't kumintal

kaya kung lupa nila sa dayuhan ibinenta
tatayuan ng komersyo at mga industriya
nawalan na ng lupa, saan na sila pupunta
gayong mula't sapul ay nabuhay sa pagsasaka

sa kapitalismo, balewala ang karapatan
klasipikasyon ng lupa'y tiyak nang papalitan
alang-alang sa tubo ng mga mamumuhunan
ang lupaing agrikultural ay di na sakahan

dati'y palayan, pag-aari na ng korporasyon
magbubukid ay nawalan ng karapatan doon
kaya ipinaglalaban ng magsasaka ngayon
ay ang repormang agraryong may natatanging layon

layunin ng repormang maayos na matugunan
ang hindi makatarungang ugnayan sa pagitan
ng panginoong maylupa't magsasaka kung saan
pagsasamantala'y di na iiral nang tuluyan

ngunit kapitalismo ang sistemang umiiral
na tanging tubo lamang ang nais sa magbubungkal
nasaan ang dignidad kung ganito ang nakakintal
lalo na't lupa'y inuri na bilang industriyal

kung sinong nagbubungkal ay silang naghihikahos
masipag na magsasaka'y para pa ring busabos
magsasaka'y dapat lang maghanda sa pagtutuos
laban sa kapitalismong tunay ngang mapang-ulos

ang lupa'y buhay, aralin ang repormang agraryo
di na ito dapat ariin pa ng asendero
ang kontrol ng magsasaka sa lupa'y ipanalo
dapat pa bang sa rebolusyon makakamit ito?

- sinulat sa mahabang pamamahinga sa loob ng Our Lady of Perpetual Help sa Baclaran (na kilala ring Baclaran church), Abril 18, 2016
- kasama ang makata sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016