ANG LINGKOD NA PLUMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod
ang pluma'y dapat ipaglingkod sa aping uri
lalo sa manggagawang api ng naghahari
ilantad ng pluma ang pribadong pag-aari
na dahilan ng pagsira ng buhay at puri
ang bawat tula't kwento'y may salaysay ng hidwa
habang dinuduyan-duyan yaring puso't diwa
di toreng garing ang tibok ng bawat salita
may sigla ng himagsik ang bawat kabanata
pluma'y tagapaglingkod laban sa mga hayok
sa tubo't naghaharing tanda ng pagkabulok
sa kwento ang tiwali'y kaya nating ilugmok
habang yaong naapi'y ilalagay sa tuktok
makata, pluma'y gamitin sa gitna ng digma
upang yaong mga tiwali'y di makawala
durugin mo sa tula yaong kasumpa-sumpa
at iangat sa pedestal yaong manggagawa