Sabado, Hunyo 28, 2008

Palamunin ng Manggagawa

PALAMUNIN NG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

KAPITALISTA:
Ikaw, manggagawa, bilisan mo diyan
Iyang trabaho mo’y iyo ngang paspasan
H’wag tatamad-tamad pagkat kailangan
Ang tubo ko’y dapat lumaking tuluyan.

MANGGAGAWA:
Kinukuba na nga ako sa trabaho
Ay di naman sapat itong aking sweldo
Dahil lang sa tubo na tanging hangad mo
Sa pagtatrabaho’y papatayin ako.

KAPITALISTA:
Magtigil at baka sisantehin kita
Di ka pa regular dito sa pabrika
Huwag kang umangal, hala, trabaho na’t
Baka mamatay kang dilat ang ‘yong mata.

MANGGAGAWA:
Isip ay pamilya at kinabukasan
Mahigpit din itong pangangailangan
Nagtatrabaho ‘ko nang sagad-sagaran
Kaya’t h’wag ituring na ‘yong kasangkapan.

KAPITALISTA:
Ano bang gusto n’yong mga hampaslupa
Aangal pa’y akin ang buong pabrika
Pasalamat kayo’t merong trabaho pa
Paano kung ito sa inyo’y mawala?

MANGGAGAWA:
Simple lamang naman itong aming nasa
Kami’y bayaran mo ayon sa halaga
Ng lakas-paggawang aming binebenta
Nang aming pamilya nama’y guminhawa.

KAPITALISTA:
Ikaw, manggagawa, itong tandaan mo:
Di dapat bawasan, tutubuin dito
Sumunod ka na lang, pabrika ko ito
Kung ayaw mong ikaw ay sisantehin ko!

MANGGAGAWA:
Hoy, kung hindi dahil sa’ming manggagawa
Ay hindi tatakbo ang iyong pabrika
Pakatandaan mong palamunin kita!
Ang tubo mo’y galing sa lakas-paggawa!

KAPITALISTA:
Hangad ko ay tubo, lumaki ang kita
Kaya ko pinundar ang aking pabrika.

MANGGAGAWA:
Kaya’t dapat kami’y bayaran ng tama
Pagkat kung ayaw mo, kami’y magwewelga.

KAPITALISTA:
Tubo ang hangad ko’t akin ang pabrika
Kayong manggagawa’y walang magagawa!

MANGGAGAWA:
Sa’n ka pupulutin, kung kami ay wala?
Nang dahil sa amin kaya yumaman ka!

KAPITALISTA:
Ang gobyerno’t pulis, sa akin kakampi
Subukan n’yo’t sila’y di mag-atubili.

MANGGAGAWA:
Ang gobyerno’t pulis, dudurugin kami?
Di kataka-taka, kayo’y magkakampi.

KAPITALISTA:
Sige, subukan n’yong ako’y kalabanin
At malilintikan kayong lahat sa’kin.

MANGGAGAWA:
Palamunin ka lang naming manggagawa
Subukan mo kami’t ikaw ang kawawa!

pahayagang Obrero
Disyembre 2004

Martial Law sa Piketlayn

MARTIAL LAW SA PIKETLAYN

ni Greg Bituin Jr.


Bus Linggu-linggo’y Tuloy ang Biyahe

manggagawa’y kumakayod para sa pamilya, ngunit

Biglang Lumiko ang Tunguhin ng Bus.

Napagtanto ng mga manggagawa na sa

Bawat Lakbay, Talagang Bumubundat

itong kapitalista, dahil naiisip ng may-ari’y

Basta Lumaki ang Tubo sa Bulsa.

Sumama tayo sa mga manggagawa

nagpiket, ngunit tayo’y

Biglang Linapastangan, Tineargas, Binira.

Maraming nasaktan, ngunit

hindi tayo nanghina, dahil sa

Bawat Labanan, Tayo’y Bumabalikwas

upang ituloy ang laban

hanggang sa tagumpay.


(Sinulat ang tulang ito bandang 1997 habang nakapiket ang mga manggagawa ng Batangas, Laguna, Tayabas Bus Company o BLTB Co. sa Edsa, Lunsod ng Pasay)

Kababaihan, Makialam Ka!

KABABAIHAN, MAKIALAM KA
(alay sa sentenaryo ng peminismo sa Pilipinas, 2005)
tula ni Greg Bituin Jr.

Sakdal rahas itong kasalukuyang lipunan
Pagkat nangaglilipana pa itong kaapihan
Ng mga manggagawa’t maralitang kababaihan
Mula sa komunidad at mga pagawaan.
Mula pa noon hanggang sa kasalukuyan
Kababaiha’y biktima ng sistemang gahaman.

Kababaihan, minsan ka nang itinulad kay Maria Clara
Na anak ng isang paring walang kaluluwa
Na bukod sa mahinhin ay mahina, sakitin at lampa
Ikaw raw ay Maria Clarang modelo ng babaeng Pilipina.
Nararapat nang palitan ang mga makalumang pagkilala
Pinaglipasan na ng panahon ang mga Maria Clara.

Sampung dekada na ang nakararaan
Nang ang unang peministang samahan
Ng mga mapagpalayang kababaihan
Ay maitatag at kanilang mapagyaman.
Kasaysayan na ang nasimulan nilang pakikibaka
Panahon na ng panibagong Gabriela, Liliosa’t Lorena.

Mula sa bibliya hanggang sa nobela ni Rizal
Babae’y itinulad kay Maria Clara at Sisang hangal
Apat na sulok ng bahay ang kanilang naging lugal
Ikinulong doon na pawang pagkaapi ang dumaratal.
Baguhin na ang kultura ng kawalang pagkakapantay
Palayain ang babae sa apat na sulok ng bahay.

Hanggang sa panahong ito ng globalisasyon
Dumoble pa ang pasanin ng kababaihan ngayon
Mula sa apat na sulok ng bahay, meron pang ekstensyon
Sa pabrika’y nararanasan din nila ang represyon.
Humaba lamang ang kadena ng kaapihan
Mula sa bahay patungo sa pagawaan.

Sa komunidad ng maralita’y naghihinagpis ang mga ina
Pagkat winawasak ng mga berdugo ang mga bahay nila
Ang mga anak ay apektado, kalagayan nila’y kaawaawa
Anong aasahan nila sa gobyernong wala nang ginawa?
Hindi na panahon ngayon ng mga pagtitiis
Di na dapat manatili ang buhay na hapis.

Kapitalistang sistema’y larawan ng pagkamuhi
Sa mga manggagawa’t maralitang babae
Dapat nang durugin ang mga mapag-aglahi
Dapat nang pawiin ang sistemang mapang-api.
Sa dobleng pasanin, kababaiha’y dapat nang lumaya
Dapat nang matapos ang pagsasamantala.

Di habang panahon ay panahon ng kaapihan
Kababaihan, panahon nang ikaw ay lumaban
Igalang at itaguyod ang reproduktibong karapatan
At kalayaang magpasya sa sariling katawan.
Tapusin na ang pananahimik at kawalang pakiramdam
Kababaihan, panahon nang lumaya ka’t makialam.

pahayagang Obrero
Mayo 2005

Itayo ang TRG para sa pagbabago!

ITAYO ANG TRG PARA SA PAGBABAGO!
tula ni Greg Bituin Jr.

(binasa ni Greg sa unang taon ng pagkakatatag ng organisasyong Laban ng Masa o LnM noong Hunyo 2006)

Ilang pag-aalsang Edsa na ba ang nagdaan
Na nagsama-sama itong taumbayan
Kung saan ang pangulong gahaman
Ay pinababa ng masa kaya’t napalitan.

Ngunit sa Edsa’y ano ba ang napala
Nitong mga nagpakasakit na masa
Mga naupo’y wala namang ginawa
Upang matiyak na mabago ang sistema.

Inagaw pa ng mga elitista ang manibela
Nitong gobyernong ipinanalo ng masa
Ganito ang nangyari sa dalawang Edsa
Pagkat masa’y patuloy ang pagdurusa.

Simula ng maupo itong mga pulitiko
Pangako sa masa’y pulos naging bato
Napatunayang hangin itong kanilang ulo
Interes kasi nila’y hinugot sa kapitalismo.

Tayo’y pinaglalaruan lang nitong pulitiko
Pinapaikut-ikot tayong parang mga trumpo
Pangmasa daw sila pero pawang demonyo
Polisiya nila’y dinadala tayo sa impyerno.

Ah, hindi na dapat maulit itong dalawang Edsa
Na pagkatapos magsakripisyo nitong masa
Panalo’y inagaw na ng mga elitista’t kauri nila
Sakripisyo ng taumbayan ay nabalewala.

Kaya’t sa muling pagkakataong babaguhin na
Itong umiiral na ganid at bulok na sistema
Ay pag-ingatan natin itong panalo ng masa
Habang people power itinatayo, di lang sa Edsa.

Magpalakas tayo’t magpatuloy sa pag-oorganisa
Magtayo’t patatagin ang mga unyon sa pabrika
Armasan ng teorya ang uring manggagawa
Sa rebolusyonaryong papel, atin silang ihanda.

Transisyunal na rebolusyonaryong gobyerno’y tiyakin
Na maitatayo upang kalayaan ng uri’y ating kamtin
Mga demonyong elitista’y huwag dito papasukin
Huwag ibigay kaninuman ang magiging panalo natin.

Pawiin ang kahirapang dulot ng kapitalismo
Baguhin ang sistema’t ang bulok na gobyerno
Ito’ng pangako ng itatatag nating rebolusyonaryo
At transisyunal na gobyernong para sa mga tao.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg 2, Taon 2005, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML).

Inimbento ng CIA sina Bin Laden at Abu Sayyaf

INIMBENTO NG CIA SI BIN LADEN AT ANG ABU SAYYAF
ni Greg Bituin Jr.

Si Bin Laden ay trineyning
Ng CIA na balimbing
Pero ngayo’y itinuring
Na ‘sang teroristang taring.

Abu Sayyaf ma’y imbento
Ng mga Amerikano
Kaya’t sila’y siguradong
Isponsor ng terorismo.

Kaya nga’t gawa ng Kano
Terosismo sa’ting mundo
Ngayon sila’y natuliro
Lupa’y dinilig ng dugo.

Kaya’t merong kasalanan
Ang Amerikang gahaman
Managot sila sa bayan
At sa buong santinakpan.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2001, p.8.

Hilakbot ng Anthrax

HILAKBOT NG ANTHRAX
ni Greg Bituin Jr.

Itong anthrax na nga’y kinatatakutan
Pero CIA daw ang nagkalat naman
Ibibintang kuno sa Gitnang Silangan
Arabo’y kanilang layuning siraan.

- nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo-Setyembre 2001, p.8.