Sabado, Hunyo 28, 2008

Kababaihan, Makialam Ka!

KABABAIHAN, MAKIALAM KA
(alay sa sentenaryo ng peminismo sa Pilipinas, 2005)
tula ni Greg Bituin Jr.

Sakdal rahas itong kasalukuyang lipunan
Pagkat nangaglilipana pa itong kaapihan
Ng mga manggagawa’t maralitang kababaihan
Mula sa komunidad at mga pagawaan.
Mula pa noon hanggang sa kasalukuyan
Kababaiha’y biktima ng sistemang gahaman.

Kababaihan, minsan ka nang itinulad kay Maria Clara
Na anak ng isang paring walang kaluluwa
Na bukod sa mahinhin ay mahina, sakitin at lampa
Ikaw raw ay Maria Clarang modelo ng babaeng Pilipina.
Nararapat nang palitan ang mga makalumang pagkilala
Pinaglipasan na ng panahon ang mga Maria Clara.

Sampung dekada na ang nakararaan
Nang ang unang peministang samahan
Ng mga mapagpalayang kababaihan
Ay maitatag at kanilang mapagyaman.
Kasaysayan na ang nasimulan nilang pakikibaka
Panahon na ng panibagong Gabriela, Liliosa’t Lorena.

Mula sa bibliya hanggang sa nobela ni Rizal
Babae’y itinulad kay Maria Clara at Sisang hangal
Apat na sulok ng bahay ang kanilang naging lugal
Ikinulong doon na pawang pagkaapi ang dumaratal.
Baguhin na ang kultura ng kawalang pagkakapantay
Palayain ang babae sa apat na sulok ng bahay.

Hanggang sa panahong ito ng globalisasyon
Dumoble pa ang pasanin ng kababaihan ngayon
Mula sa apat na sulok ng bahay, meron pang ekstensyon
Sa pabrika’y nararanasan din nila ang represyon.
Humaba lamang ang kadena ng kaapihan
Mula sa bahay patungo sa pagawaan.

Sa komunidad ng maralita’y naghihinagpis ang mga ina
Pagkat winawasak ng mga berdugo ang mga bahay nila
Ang mga anak ay apektado, kalagayan nila’y kaawaawa
Anong aasahan nila sa gobyernong wala nang ginawa?
Hindi na panahon ngayon ng mga pagtitiis
Di na dapat manatili ang buhay na hapis.

Kapitalistang sistema’y larawan ng pagkamuhi
Sa mga manggagawa’t maralitang babae
Dapat nang durugin ang mga mapag-aglahi
Dapat nang pawiin ang sistemang mapang-api.
Sa dobleng pasanin, kababaiha’y dapat nang lumaya
Dapat nang matapos ang pagsasamantala.

Di habang panahon ay panahon ng kaapihan
Kababaihan, panahon nang ikaw ay lumaban
Igalang at itaguyod ang reproduktibong karapatan
At kalayaang magpasya sa sariling katawan.
Tapusin na ang pananahimik at kawalang pakiramdam
Kababaihan, panahon nang lumaya ka’t makialam.

pahayagang Obrero
Mayo 2005

Walang komento: