Sabado, Hunyo 28, 2008

Palamunin ng Manggagawa

PALAMUNIN NG MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

KAPITALISTA:
Ikaw, manggagawa, bilisan mo diyan
Iyang trabaho mo’y iyo ngang paspasan
H’wag tatamad-tamad pagkat kailangan
Ang tubo ko’y dapat lumaking tuluyan.

MANGGAGAWA:
Kinukuba na nga ako sa trabaho
Ay di naman sapat itong aking sweldo
Dahil lang sa tubo na tanging hangad mo
Sa pagtatrabaho’y papatayin ako.

KAPITALISTA:
Magtigil at baka sisantehin kita
Di ka pa regular dito sa pabrika
Huwag kang umangal, hala, trabaho na’t
Baka mamatay kang dilat ang ‘yong mata.

MANGGAGAWA:
Isip ay pamilya at kinabukasan
Mahigpit din itong pangangailangan
Nagtatrabaho ‘ko nang sagad-sagaran
Kaya’t h’wag ituring na ‘yong kasangkapan.

KAPITALISTA:
Ano bang gusto n’yong mga hampaslupa
Aangal pa’y akin ang buong pabrika
Pasalamat kayo’t merong trabaho pa
Paano kung ito sa inyo’y mawala?

MANGGAGAWA:
Simple lamang naman itong aming nasa
Kami’y bayaran mo ayon sa halaga
Ng lakas-paggawang aming binebenta
Nang aming pamilya nama’y guminhawa.

KAPITALISTA:
Ikaw, manggagawa, itong tandaan mo:
Di dapat bawasan, tutubuin dito
Sumunod ka na lang, pabrika ko ito
Kung ayaw mong ikaw ay sisantehin ko!

MANGGAGAWA:
Hoy, kung hindi dahil sa’ming manggagawa
Ay hindi tatakbo ang iyong pabrika
Pakatandaan mong palamunin kita!
Ang tubo mo’y galing sa lakas-paggawa!

KAPITALISTA:
Hangad ko ay tubo, lumaki ang kita
Kaya ko pinundar ang aking pabrika.

MANGGAGAWA:
Kaya’t dapat kami’y bayaran ng tama
Pagkat kung ayaw mo, kami’y magwewelga.

KAPITALISTA:
Tubo ang hangad ko’t akin ang pabrika
Kayong manggagawa’y walang magagawa!

MANGGAGAWA:
Sa’n ka pupulutin, kung kami ay wala?
Nang dahil sa amin kaya yumaman ka!

KAPITALISTA:
Ang gobyerno’t pulis, sa akin kakampi
Subukan n’yo’t sila’y di mag-atubili.

MANGGAGAWA:
Ang gobyerno’t pulis, dudurugin kami?
Di kataka-taka, kayo’y magkakampi.

KAPITALISTA:
Sige, subukan n’yong ako’y kalabanin
At malilintikan kayong lahat sa’kin.

MANGGAGAWA:
Palamunin ka lang naming manggagawa
Subukan mo kami’t ikaw ang kawawa!

pahayagang Obrero
Disyembre 2004

Walang komento: