Biyernes, Oktubre 1, 2021

Datos

DATOS

kain, tulog, tae, ihi, tunganga sa kisame
ilang araw din akong ginagawa ko'y ganire
at ngayong nagpapagaling na'y may ibang diskarte
magluto ng kanin, tirik ng kandila sa gabi

subalit huwag pa ring basta lalabas ng bahay
malakas ang delta't baka may iba pang madamay
mga manok na may kuto'y patakbo-takbong tunay
lagi pa ring mag-face mask at may alkohol na taglay

ayon sa contact tracer na kausap ng misis ko
nasa isandaan tatlumpu't limang bagong kaso
ng pasyenteng nagka-covid ang naitala rito
sa munting bayan, at noong isang araw lang ito

hipag at biyenan ko'y nawala nitong Setyembre
tila ba itong covid ay matakaw na buwitre
na sa pusod ng daigdig ay napakasalbahe
ang bagong datos ba'y bakit lumaki't nangyayari?

nakakapangamba, kaya ako'y sa kwarto muna
inuubo pa rin, at walang labasan talaga
ah, kailan ba matatapos ang pananalasa
ng salot na covid, sana pandemya'y magwakas na

- gregoriovbituinjr.
10.01.2021

Ilang nalilirip

ILANG NALILIRIP

kayraming kuto ng manok, madalas kumakapit
di lang sa alaga kundi sa suot naming damit
ito ang angal ni misis, pinepeste nang malimit
ang mga manok, may kuto na rin sa aking singit

nilalaro ko ang mga salitang matatalas
na maaaring makasugat sa puso ng hudas
o di kaya'y makapagpalugmok sa talipandas
na mismong bayan nati'y kanilang binalasubas

tulad ng langit kung aking pagmasdan ang kisame
tinititigan ding kapara'y magandang babae
langit at paralumang ginagawan ng diskarte
dahil sa pagsintang puso ang pupukawin dine

"Anak" ni Freddie Aguilar ay aking pinakinggan
pinakiramdaman ko kung ako ba'y tinamaan
ah, di ako iyon, malapit man sa karanasan
habang patuloy ako sa paglirip sa di alam

- gregoriovbituinjr.
10.01.2021

Sa nakaraang araw ng puso

SA NAKARAANG ARAW NG PUSO

araw ng mga puso'y di lang Pebrero Katorse
kundi pati rin tuwing Setyembre Bente-Nuwebe
una'y tungkol sa pag-ibig ng lalaki't babae
ikalawa, ang puso bilang mahalagang parte

ng ating buhay at ating buong pangangatawan
kaya iwing puso'y dapat laging pangalagaan
lagi ring matulog ng pito o walong oras man
upang gumanda ang puso't sakit ay maiwasan

kumain ka rin ng mga masustansyang pagkain
"galaw-galaw nang di ma-stroke", kasabihan na rin
maglakad din ng madalas, huwag balewalain
ang kalusugan ng puso't pangangatawan natin

puso't katawan ay dapat may sapat na pahinga
kapag malusog ang puso, malayo sa disgrasya
kapag walang nagkakasakit, pamilya'y masaya
habang patuloy ang buhay na puspos ng pag-asa

- gregoriovbituinjr.
10.01.2021

* litrato mula sa google
* ilang pinaghalawan ng datos:
https://world-heart-federation.org/world-heart-day/
https://blogs.biomarking.com/blogs/news/5-paraan-para-mapanatili-maging-malusog-ang-iyong-puso