Linggo, Marso 31, 2024

Timawa - Pataygutom o Malaya?

TIMAWA - PATAYGUTOM O MALAYA?

ang katanungan sa palaisipan: Dos Pababa
PATAY-GUTOM - anim na titik, ito'y ano kaya
KAWAWA, ALIPIN, ngunit sagot pala'y TIMAWA
gayong sa aralin noon, ang timawa'y MALAYA

nagbabago ang kahulugan ng mga salita
noon, ang timawa ay mga aliping lumaya
ngayon pag nanghingi ng limos, tawag na'y timawa
kahulugan nito'y nag-iba, paano't bakit nga

isang malaking tanong, nagbago nga ba ang wika?
o walang trabaho't kita ang aliping lumaya?
kaya nagpalaboy, sa lansangan gumala-gala?
naging gusgusin ang malaya ngunit walang-wala?

nakakatawa nga ba o tayo'y mapapaluha
ang pataygutom ay dating mga taong malaya
paano ba pumaimbulog ang mga kataga
sa pagdatal ng panahon, nagbago ng unawa

- gregoriovbituinjr.
03.31.2024

Pasasalamat (Grace Before Meals)

PASASALAMAT
(GRACE BEFORE MEALS)

tayo'y nasa harap nitong hapag-kainan
sabay nating bigkasin ang pasasalamat
sa mga naghanda ng pagkain ng bayan
sa mga nagtanim at nag-ani, salamat

salamat sa lahat ng mga magsasaka
mula binhi'y pinalago hanggang nag-uhay
silang sa lupang sakahan nakatali na
silang naglinang at nagpatubo ng palay

salamat sa lahat ng mga mangingisda
na nilalambat ang buhay sa karagatan
upang madala ang mga banyerang isda
sa pamilihan, at ating mabili naman

salamat sa lahat ng mga manggagawa
pagkain ay dinala sa bayan at lungsod
kay-agang gumising, kay-agang gumagawa
kayod ng kayod, kahit mababa ang sahod

salamat sa manggagawang tatay at nanay
na nagsikap upang pamilya'y mapakain
nang mga anak ay di magutom sa bahay
na para sa pamilya, lahat ay gagawin

salamat, binubuhay ninyo ang daigdig
uring manggagawa, hukbong mapagpalaya
kaya marapat lang tayo'y magkapitbisig
nang bulok na sistema'y tuluyang mawala

- gregoriovbituinjr.
03.31.2024

* mga larawan mula sa google

CHED official, inireklamo ng mga mag-aaral

CHED OFFICIAL, INIREKLAMO NG MGA MAG-AARAL

kaytinding ulat, aba'y ano na bang nangyayari?
CHED official, nireklamo ng mga estudyante
mula Our Lady of Fatima University
ang gobyerno sana'y di maging bulag, pipi't bingi

lumalabag daw sa pamantayan ng moralidad
ang nasabing opisyal na apelyido'y Darilag
kailangan daw paboran ng mga mag-aaral
ang umano'y kagustuhan ng nasabing opisyal

halimbawa ang reklamo ng MBA student
na nakumpleto naman daw ang pinasang requirement
subalit grading na incomplete ang binigay pa rin
reklamong pinarating sa tanggapan ni Bersamin

hiniling ng mga mag-aaral, tulad ni Guia
na ang nasabing opisyal ay imbestigahan na
lalo't may mag-aaral itong kinukursunada
nawa kamtin ng mga estudyante ang hustisya

- gregoriovbituinjr.
03.31.2024

* Bersamin - Executive Secretary
* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 31, 2024, p.2

Tanong nila sa akin ngayong semana santa

TANONG NILA SA AKIN NGAYONG SEMANA SANTA

tanong nila, bakit di raw ako nagsimba?
bakit di rin sumama sa semana santa?
at bakit ba di rin nag-Bisita Iglesya?
bakit sa simbahan ay ayaw tumuntong na?

wala bang sinumang nagyayaya sa akin?
mga nabanggit ba'y kinatamarang gawin?
nasabi na noon, sasabihin ko pa rin
baka sa simbahan, isigaw: "Free Palestine!"

ayokong makinig sa paring nambobola
na animo'y lagi silang patay-malisya
lalo't pinupuri ang Israel sa misa
at di mabanggit ang nangyayari sa Gaza

wala akong bilib sa ganyang mga pari
patunay na burgesya'y kanilang kauri
tingin ko nga sa kanila'y mapagkunwari
bulag, pipi, at bingi silang di mawari

sabi nila, si Hesus ay hari ng Hudyo
inagaw ng Hudyo ang lupang Palestino
minamasaker pa ang mamamayan nito
tapos sasabihin nila, magsimba ako?

hanggang ngayon, akin iyang paninindigan
pag pinilt, isisigaw ko sa simbahan
"Free Palestine!" huwag nang magbulag-bulagan
magsigising kayo para sa katarungan!

- gregoriovbituinjr.
03.31.2024 (easter sunday)

* litrato mula sa google

Sudoku at Word Connect - Marso 2024

SUDOKU AT WORD CONNECT - MARSO 2024

natapos din ang isang buwang paglalaro
ng Sudoku at Word Connect sa aking selpon
nilalaro ko iyon ng buong pagsuyo
bilang pinakapahinga ko sa maghapon

sa Sudoku ay numero ang binubuo
na maaari namang palitan ng letra
sa Word Connect ay salita ang binubuo
sa wikang Ingles, mahahasa ka talaga

simpleng laro pag pahinga, simpleng libangan
sa kabila ng trabahong kayod kalabaw
nakakatulong maensayo ang isipan
matapos ang unos, lilitaw ang balangaw

minsan, kailangan talaga ng ganito
bilang pahinga sa mabigat na trabaho

- gregoriovbituinjr.
03.31.2024

Sa paggawa ng banghay

SA PAGGAWA NG BANGHAY

paano bang gagawin sa pagpaplano ng banghay
o ang pangkalahatang takbo ng isang salaysay
kapara'y mabait na pilotong puno ng husay
o dahil sa kabaitan, sa piloto'y nagpugay

samutsari ang paksa upang magawa ang kwento
dapat may pangunahing tauhan o bida rito
paglalarawan sa kalagayan ng mga tao
kapaligiran, kalikasan, suliranin dito

pag-isipan kung paano ba kwento'y sisimulan
at bakit ang paksang iyon ang nais ilarawan
paano ang daloy at pag-usad ng kwento't laban
paano nalutas ang matitinding tunggalian

bakit pangunahing tauhan ay di mapakali?
paano ilalarawan ang bawat insidente?
paanong ayos at pagkasunod ng pangyayari
mula bida, paanong masa ang naging bayani?

kung ako ang gagawa ng kwento, walang Superman
walang iisang taong puno ng kabayanihan
lagi't lagi ang bida'y kolektibong mamamayan
paano nga ba sila sama-samang nagtulungan

- gregoriovbituinjr.
03.31.2024

Isang madaling araw

ISANG MADALING ARAW

madaling araw, madilim pa ang paligid
tila ba aking mata'y may luha sa gilid
humahatak daw ako ng mahabang lubid
ng barko, ano ang mensahe nitong hatid

marahil, isa iyong planong paglalayag
nang hinila ang katig, may inihahayag
pirata'y paghandaan, paano pumalag
ang misyon ko'y paano sila malalansag

sagipin ang mga pasaherong babae
at tiyakin ding ligtas ang mga bagahe
ah, kailangang bumangon upang magkape
habang binting namitig ay minamasahe

nang biglang kung saan ay napatitig muli
sa barkong iyon, may babaeng naglilihi
manggang manibalang ang kanyang minimithi
habang kaharap ko'y piratang katunggali

saan ba kukuha ng manggang inaasam
gayong naroon sa gitna ng karagatan
marahil ay salmon ang hulihin ko na lang
ngunit katunggali'y naroong nakaharang

- gregoriovbituinjr.
03.31.2024