Miyerkules, Enero 12, 2022

Apuhap

APUHAP

di ako dapat patumpik-tumpik
sa pagtangan ng iwing panitik
kahit na gaano man kahindik
ang naganap na kayraming salik

inaambunan ako ng luha
ng mga nagugutom na dukha
habang tahak ang putikang lupa
likod ko'y pawisan, basang-basa

dapat nang kumilos, walang pagod
sa pag-aabang at paglilingkod
ang kagalingan ay itaguyod
at hustisya'y diwang ipamudmod

pangarap ay di dapat gumuho
katinuan sana'y di maglaho
di na dapat dumanak ang dugo
sa kalaban man ay di yuyuko

ah, samutsari na ang panata
ng nagdugong kamay ng makata
guniguni'y halukay ng diwa
nang daigdig ay maging payapa

- gregoriovbituinjr.
01.12.2020

Wika

WIKA

ang bawat pagtula'y pagtataguyod ng salita
marahil isa iyan sa misyong di sinasadya
ang di raw marunong magmahal sa sariling wika
ay katulad nga ba ng hayop at malansang isda

aba'y anong sakit naman lalo't di nila alam
nagustuhan kong tumula dahil ito'y mainam
sa kalusugan ng katawan, diwa't pakiramdam
tila ba anumang sakit ay agad napaparam

anumang danas ko'y sa mga salita naukit
pagkat sa aking puso't diwa'y laging nabibitbit
kaya mga kataga'y sa saknong ko sinasabit
sa umaga, sa tanghali, o sa gabing pusikit

kaya ang Buwan ng Wika'y madalas paghandaan
kahit wala akong partisipasyon sa anumang
aktibidad maliban sa pagtulang aabangan 
kung mayroon man at panonoorin ang bigkasan

Enero pa lang naman, kaytagal pa ng Agosto
Araw ng Tula'y pangdalawampu't isa ng Marso
patuloy lang sa pagkatha kaming panitikero
habang may malayang wikang sinasalita tayo

- gregoriovbituinjr.
01.12.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa tapat ng isang pamantasan sa La Trinidad, Benguet

Social distancing pa rin

SOCIAL DISTANCING PA RIN

dalawang taon na tayong nagso-social distancing
pandemya'y dalawang taon na ring nakakapraning
isang metro ang pagitan sakaling may bibilhin
sa botika, sa palengke, sa grocery, sa canteen

naging bahagi na ng araw-araw nating buhay
kasama ng facemask na dapat suot nati't taglay
dalawang taon, kayrami nang nabago't namatay
samutsaring mga virus na ang nananalakay

subalit nakukuha pa rin nating makangiti
sa kabila ng marami sa atin ang nasawi
kaysa damhin lagi ang sakit at napapangiwi
kundi ituloy ang buhay na dama man ay hapdi

kaytitindi na ng nagsulputang variant ng virus
alpha, beta, delta, omicron, tila nang-uubos
apektado ang buhay, nagiging kalunos-lunos
datapwat tuloy pa rin ang buhay, nakakaraos

gayunman, huwag magkampante, mag-social distancing,
mag-facemask, mag-alcohol, at huwag basta babahin
simpleng mga protocol itong kaya nating sundin
pagbabakasakaling pandemya'y malampasan din

- gregoriovbituinjr.
01.12.2022