Lunes, Oktubre 19, 2015

IISA lang ang ating daigdig

IISA LANG ANG ATING DAIGDIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

may iba pa ba tayong matitirahang daigdig
wala na, sa ibang buntala'y di pa natin dinig
kung may nabubuhay, klima ba'y pawang halumigmig
o sa ibang buntala ba tayo'y mangangalikgkig

sa iba't ibang panig ng mundo'y dagsa ang unos
pananalanta nito'y patuloy na bumubuhos
sa nagbabagong klima'y marami nang naghikahos
mga ani'y sinalanta, dukha'y lalong kinapos

iisa lamang itong daigdig nating tahanan
ang henerasyon ngayon, dapat itong alagaan
laban sa kapitalismo ng ganid at gahaman
na dahilan nitong pagkawasak ng kalikasan

paano aangkop ang madla sa nag-ibang pintig
ng mundong dinaluhong ng hayok, dinumhang tubig
klima'y nagbabago na sa atin mismong daigdig
panahon ngayong sala sa init, sala sa lamig

Bagyong Lando

BAGYONG LANDO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paumanhin, di ka nga pala si Landong uhugin
aba’y kaylaki mo na't kayraming paiiyakin
pakiusap, bahay namin ay huwag mong bunutin
pati na lansangan ay huwag mo sanang biyakin
mga poste ng kuryente'y huwag mong padapain

ikaw nga ang matipuno’t malakas na si Lando
nakayayanig ng puso ang bawat atungal mo
dukha man o mayaman ay wala kang sinasanto
huwag kang magpasirko-sirkong tila ipu-ipo
pagkat nakababahala, baka magkadelubyo

dahil sa iyo'y sikat muli ang noodles, sardinas
di wastong makakain habang ikaw ay palakas
kayhirap tahakin ang daan at baka may butas
mga sinasalanta mo'y paano maliligtas
pumayapa ka na, Lando, kundi ngayon ay bukas