IISA LANG ANG ATING DAIGDIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
may iba pa ba tayong matitirahang daigdig
wala na, sa ibang buntala'y di pa natin dinig
kung may nabubuhay, klima ba'y pawang halumigmig
o sa ibang buntala ba tayo'y mangangalikgkig
sa iba't ibang panig ng mundo'y dagsa ang unos
pananalanta nito'y patuloy na bumubuhos
sa nagbabagong klima'y marami nang naghikahos
mga ani'y sinalanta, dukha'y lalong kinapos
iisa lamang itong daigdig nating tahanan
ang henerasyon ngayon, dapat itong alagaan
laban sa kapitalismo ng ganid at gahaman
na dahilan nitong pagkawasak ng kalikasan
paano aangkop ang madla sa nag-ibang pintig
ng mundong dinaluhong ng hayok, dinumhang tubig
klima'y nagbabago na sa atin mismong daigdig
panahon ngayong sala sa init, sala sa lamig
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento