Linggo, Agosto 8, 2021

Ang Orosman at Zafira ni Balagtas

ANG OROSMAN AT ZAFIRA NI BALAGTAS

ako'y natutuwang sa wakas ay nalathala na
ang katha ni Balagtas na Orosman at Zafira
Balagtas na may katha rin ng Florante at Laura
ang makatang idolo bilang makata ng masa

nang makita sa bookstore, agad kong binili ito
di man sapat ang pera't may kamahalan ang presyo
bihira ang magkaroon ng ganitong klasiko
ako'y masaya, ito ma'y apatnaraang piso

napakahabang tulang dapat mong pagtiyagaan
tulad ng Florante'y may bilang din ang taludturan
kung ang Florante'y may taludtod na apatnaraan
abot ng siyamnalibong taludtod ang Orosman

isang mahalagang tuklas na obra ni Balagtas
na di maaaring di natin mababasang sukat
istoryang Muslim kung babasahin mo hanggang wakas
mahihiwatigan mo agad ito sa pabalat

halina't basahin ang klasikong itong patula
tulad ng Florante at Laura'y may sukat at tugma
kaaya-ayang koleksyon sa tulad kong makata
isang kayamanang muling natagpuan ng madla

- gregoriovbituinjr.
08.08.2021

* nag-iisa na lang ang aklat na ito nang mabili ng makatang gala sa isang bookstore sa Maynila

Soneto sa patatas

SONETO SA PATATAS

mabuti't may mga patatas na marami-rami
na ngayong lockdown ay may makakain pa rin dini
lalo't sa kwarantinang ito'y di na mapakali
di basta makalabas, di ka basta makabili

mag-eksperimento, gawin ay sari-saring luto
gayat-gayatin, ilaga, pag kumulo'y ihango
o kaya naman sa noodles, patatas ay ihalo
o gawing French fries, pangmeryenda, kahit di ilako

ang mahalaga ngayon, may patatas na sasagip
lalo na't may pandemya'y may pagkaing halukipkip
ang makapaghanda ng wasto'y walang kahulilip
pamilya'y di magugutom o kung solo'y may kipkip

kung patatas ay makasagip, aming pasalamat
at nakatulong siya sa panahong di masukat

- gregoriovbituinjr.
08.08.2021

Maaliwalas na sa C.R.

MAALIWAS NA SA C.R.

madilim, mabanas, walang liwanag sa kubeta
maliban sa ilaw na sisindihan mo tuwina
napagpasyahang lagyan ng jalousy, binutas na
wala pang salaming ilalagay, wala pang pera

huwag lang mainip, malalagyan din ng jalousy
mahalaga'y nasimulan na't mayroon nang silbi
kahit walang ilaw sa kubeta'y mabuti-buti
lalo't umaga't tanghali'y maliwanag na dini

kung walang tao sa opisina'y tatambay doon
nagbabawas man, naisusulat ang inspirasyon
kubeta'y payapang lugar, nagiging mahinahon
ilalabas ang sama ng loob, anuman iyon

pagpapaunlad ng opisina'y talagang wagas
upang damang alinsangan ay tuluyang malutas
kahit sa simpleng C.R. ay inangat na ang antas
na maliit mang espasyo'y naging maaliwalas

- gregoriovbituinjr.
08.08.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa tinutuluyang opisina ng paggawa

Bagong lababo sa opis

BAGONG LABABO SA OPIS

ang lumang lababo'y anong liit, nasisikipan
malukong at di magkasya ang huhugasang pinggan
at napagpasyahang iyon ay tuluyang palitan
upang maglagay ng lababong anong lapad naman

habang pinagmasdan ko naman ang paggawa nila
mula sa lumang lababong kanilang dinistrungka
kinayas ang semento upang lababo'y magkasya
butas ng lababo'y may tubong tagos sa kanal pa

isa nang pag-unlad mula sa dating anong sikip
upang maalwanan sa paghuhugas ang gagamit
sasabunan at babanlawan anumang mahagip
baso, tasa, pinggan, kutsara't tinidor na bitbit

panatilihing laging walang tambak na hugasin
isa itong panuntunang dapat lang naming sundin
sino bang magtutulungan kundi kami-kami rin
kaya lababo'y alagaan at laging linisin

- gregoriovbituinjr.
08.08.2021

* mga litratong kuha ng makatang gala sa tinutuluyang opisina ng paggawa

Tanong ng paggawa


TANONG NG MANGGAGAWA

"Bakit manggagawa ang unang magsasakripisyo
para isalba ang negosyo?" tanong ng obrero
ito ba'y nakaliligalig na tanong sa iyo?
ah, dapat pag-isipang mabuti ang tugon dito

nang magkapandemya, sinara ang mga pabrika
ekonomya'y bumagsak, di napaikot ang pera
tila hilong talilong ang mga ekonomista
kung paano ibangon ang nasaktang ekonomya

trabaho'y tigil, sa manggagawa'y walang pansahod
kayraming apektado, gutom ay nakalulunod
ayuda'y minsan lang natanggap, ngayon nakatanghod
saan kukuha ng ipangkakain sa susunod

nang magluwag ang lockdown, tila nagbalik sa normal
pinapasok ng kapitalista'y mga kontraktwal
halos di papasukin ang manggagawang regular
kontraktwalisasyon na pala'y muling pinairal

pamahalaan naman, negosyo'y inayudahan
bine-bail out upang negosyo'y di raw magbagsakan
bilyon-bilyon sa negosyo, sa obrero'y libo lang
baka ekonomya'y maiangat daw ng tuluyan

lumilikha ba ng ekonomya'y kapitalista
di ba't manggagawa ang lumikha ng ekonomya
kaya bakit negosyo ang unang isinasalba
na para bang ating mundo'y pinaiikot niya

"Bakit manggagawa ang unang magsasakripisyo
para isalba ang negosyo?" tanong ng obrero
isang tanong pa lang ito, na napakaseryoso
na dapat sagutin nang husay ng ating gobyerno

kung di iyan matugunan pabor sa manggagawa
ang bulok na sistema'y dapat nang baguhing sadya
halina't patuloy kumilos tungo sa adhika
na lipunang makatao'y itatag ng paggawa

- gregoriovbituinjr.
08.08.2021

* mga litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos ng manggagawa sa harap ng DOLE sa Intramuros noong Hulyo 23, 2021