Huwebes, Hunyo 5, 2008

Walang Kamatayan

WALANG KAMATAYAN
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod


Namamatay itong mga aktibista
Ngunit hindi ang mga prinsipyo nila;
Namamatay rin itong mga makata
Ngunit hindi ang kanilang mga obra.

Katahimikan o Kapayapaan?

Katahimikan o Kapayapaan?
ni Greg Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

Ano raw bang kaibhan
Nitong katahimikan
At ng kapayapaan?
Agad turan ng paham
Sa payak na paraan:
“Una’y sa tainga lamang.
Ikalwa’y puso naman.”

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo XII, Blg 1, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)


Pagkakaisa o Pang-iisa

Pagkakaisa o Pang-iisa?
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Pagkakaisa o pang-iisa?
Mga gahaman ay naglipana?
Ninanakawan mismo ang masa?
Gobyerno’y ano bang ginagawa?
At tayo’y tutunganga na lang ba?

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo XII, Blg 1, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Demolisyon

DEMOLISYON
ni Greg Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

Winasak ng gahaman
Itong ating tahanan
Sila ba’y mga diyos
Na sa ati’y uubos?

Dulot nila’y kawalan
Ng ating karapatang
Mabuhay ng maayos
At mapayapang lubos.

Ngayong tayo’y nawalan
Nitong abang tahanan
Wala na ring pantustos
Wala nang magagastos.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 4, Taon 2004, p.8.

Legal na Raket (?)

LEGAL NA RAKET (?)
ni Greg Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Madalas mangyari, habang lulan ng bus
May magsasalita at mambabatikos
Una’y sa asal mo’t sa problemang lubos
Ikaw’y tatalakan ng aral daw ng D’yos.

Hinusgahan agad ang ‘yong pagkatao
Tingin nila’y tila isa kang berdugo
Makasalanan ka’t dapat nang magbago
Kundi’y pupunta ka doon sa impyerno.

Pero bandang huli, babanggitin nila
Sa sobre’y maglagay agad ng ‘yong pera
At generous ka raw, kaya’t mag-ambag na
Dagli silang alis kapag nagbigay ka.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo IX, Blg 3, Taon 2004, p.8. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Rebulto

REBULTO
ni Greg Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

Sa kalunsuran ay kayraming
Naglipanang mga rebulto
Tulad ng imahen ni Rizal,
Ninoy, Bonifacio’t San Pedro,
Pati San Jose’t Hesukristo.

Ilan dito’y kinakausap
Ng mga taong problemado
Nagsusumbong pa sila rito
At nagbabakasakali ngang
Suliranin nila’y masagot.

Kadalasan pang nangyayari
Sila ay nanggagalaiti’t
Ang rebulto pa’y sinisisi
Pinagbubuntunan ng galit
Sa nangyayari sa sarili.

Hikbi nga ng isang luhaan:
“Hoy, ikaw diyan, nasaan ka
Nung kinakailangan kita
At bakit mo pinabayaan
Ako’t itong aking pamilya?”

Ngunit nahintakutan siya
Nang rebulto’y biglang sumagot:
“Tama bang mapikon sa iyo?
Bakit ako’y sisisihin mo?
Hindi ba’t rebulto nga ako

Maghapo’t magdamag narito
Nakatayo at nakabilad
Sa araw at di makalayo.”
Buti’t hindi siya nasipa
Ng rebultong hindi matinag.

Sa may di kalayuan naman
May taong tatawa-tawa lang
Iiling-iling ang eskultor:
“Kinausap na naman nila
Ang inukit kong mga obra.”

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).