Miyerkules, Nobyembre 20, 2024

Book Sale

BOOK SALE

laking National at laking Book Sale
kayraming librong dito'y nabili
sa aklat ay di ako mapigil
lalo't diyan ako nawiwili

ngunit may ulat na magsasara
ang Book Sale na aking kinalakhan
sa MegaMall, pwesto'y nalipat na
sa Letre'y tinanggal nang tuluyan

sa Farmers at Fiesta Carnival
ang Book Sale pa nila'y nakatayo
sana patuloy sila't magtagal 
sila'y umiral pa't di maglaho

sa pagbabasa ako nag-ugat
kaya salamat sa mga libro
lalo sa Book Sale, mura ang aklat
binili't binabasa-basa ko

- gregoriovbituinjr.
11.20.2024

* dalawang unang litrato mula sa mga balita sa fb
* ikatlong litrato ay kuha ng makatang gala sa isang Book Sale branch

Paalam, Aegis Mercy Sunot

PAALAM, AEGIS MERCY SUNOT

taginting ng boses mo'y nanunuot
sa puso't diwa'y di nakababagot
tinig mong kapanatagan ang dulot
subalit wala ka na, Mercy Sunot

kami'y taospusong nakikiramay 
sa pamilya mo, O, idolong tunay
sa Aegis, taospusong pagpupugay
sa mga narating ninyo't tagumpay

mula nang mapakinggan ko ang Aegis
hinanap ko na ang awit n'yo 't boses
ginhawa sa puso'y nadamang labis
bagamat nawala na ang vocalist 

subalit mananatili ang tinig
sa aming henerasyon nagpakilig
Mercy, patuloy kaming makikinig
sa inyong awit at kaygandang himig

- gregoriovbituinjr.
11.20.2024

* litrato mula sa isang fb reel

Meryenda

MERYENDA

hopya ang nabili ko sa 7/11
sa tapat ng ospital upang meryendahin
may handa namang pagkain sa silid namin
pag di kinain ni misis, akong kakain

anumang sandali, pag ako'y nagutom na
maghahanap na ako kung anong meryenda
iiwang walang bantay si misis tuwina
lalabas ng ospital, tawid ng kalsada

pangdalawampu't siyam na araw na rito
mamaya, gagawin sa kanya'y panibago
endoscopy at colonoscopy raw ito
na sana sa colon cancer ay negatibo

animo, hopya yaong sa amin ay saksi
sa kwartong iyon, hopya ang aking kakampi
habang di palagay, sa ligalig sakbibi
di panatag ang loob sa araw at gabi

- gregoriovbituinjr.
11.20.2024