Sabado, Oktubre 11, 2025

Ang taong pinili mo, kaysakit pag nawala sa iyo

ANG TAONG PINILI MO, KAYSAKIT PAG NAWALA SA IYO
(Sa ikaapat na DEATH Monthsary ni misis)

ang taong pinili mo, kaysakit pag nawala sa iyo
pinili ko ang aking asawa, pinili niya ako
sumumpâ sa mayor, sa tribu, sa altar, sa kasaysayan
na magsasama sa ginhawa, hirap, saya't kalungkutan

kumpara sa magulang at kapatid, mas ramdam ang sakit
pag nawala ang minamahal mo't sinamahan sa gipit
kaysa mga taong kinagisnan ngunit di mo pinili
na minahal mo rin ngunit marahil di gayon kahapdi

ipagpaumanhin, iyan ay sarili ko lang pananaw
nami-miss ko siya't di mapagkatulog sa gabi't araw
tunay ngang ibang-iba ang kapangyarihan ng pag-ibig
napapanaginipan ko pa ang maganda niyang tinig

sa rali nga'y mandirigmang Spartan akong nakatayô
na sa pag-iisa, lumuluha ako't nakatalungkô

- gregoriovbituinjr.
10.11.2025

Dalamhati, pighati, lunggati, luwalhati

DALAMHATI, PIGHATI, LUNGGATI, LUWALHATI
(Sa ikaapat na DEATH Monthsary ni misis)

anong lungkot ng buhay nang mawala ka na, sinta
kahit na tanghaling tapat, mapanglaw ang kalsada
mga rali ang bumubuhay sa akin tuwina
bilang aktibistang Spartan pa'y nakikibaka

ay, nadarama ko ngayon ay biglaang pagbagsak
di ng aking katawan, kundi ng puso ko't utak
mabuti nga't di pa ako gumagapang sa lusak
pagkat may rali't tula pang sa puso'y nakatatak

patuloy pa rin ang dama kong pagdadamhati
nilalakasan man ang loob ay pulos pighati
ang makita ka't makasamang muli ang lunggati
baka pag nangyari iyon, dama na'y luwalhati

- gregoriovbituinjr.
10.11.2025

Kaylayo man ng kanyang libingan

KAYLAYO MAN NG KANYANG LIBINGAN
(Sa ikaapat na DEATH Monthsary ni misis)

kung sa Maynila lang nakalagak
si misis, tiyak na araw-araw
ko siyang dadalhan ng bulaklak
ngunit hindi, ako'y namamanglaw

kaylayo ng kanyang sementeryo
na sa pamasahe'y talo pa ngâ
lalo't tungkulin ko'y nasa sentro
de grabidad dini sa Maynila

libingan ay nasa lalawigan
habang ako'y narito sa lungsod
at kumikilos para sa bayan
sa isyu't laban nagpatianod

madadalaw sambeses, santaon
at doon na rin ako kakathâ
nitong mga taludtod at saknong
na handog ng makatâ sa mutyâ

kaylayo man ng kanyang libingan
ngunit sa puso ko'y buhay siya
naririto sa kaibuturan
ang diwata't tanging sinisinta

- gregoriovbituinjr.
10.11.2025