Huwebes, Pebrero 10, 2022

Biyaya

BIYAYA

"The rich want a society based on punishment because a society based on care will render them obsolete" - a quote from someone

lubos-lubos na ang biyaya
ng kapitalista't burgesya
namayagpag ang dinastiya
di nagbago ang pulitika

ah, dahil sa pribilehiyo
ng pagmamay-aring pribado
kaya sapot-sapot ang tukso
sa mga tusong pulitiko

kaya paano na ang dukha
na sadya namang walang-wala
ang mayroon lang silang sadya
ay kanilang lakas-paggawa

simple lang ang aming pangarap
isang lipunang mapaglingap
namumuno'y di mapagpanggap
at ang masa'y di naghihirap

kaya narito kaming tibak
na kasama ng hinahamak,
inaaglahi't nililibak
na ang layon naming palasak:

ibagsak ang sistemang bulok,
burgesyang ganid, trapong bugok
upang masa'y di na malugmok
at dukha'y ilagay sa tuktok

- gregoriovbituinjr.
02.10.2022

* litrato mula sa google, CTTO (credit to the owner)

Pagtula sa rali

PAGTULA SA RALI

nais kong magtanghal ng tula
doon sa harapan ng madla
ipadama ang mga katha
ibahagi ang nasa diwa

sa rali bumibigkas minsan
ng tula, isang karangalan
pati sa pulong ng samahan
na sa puso ko'y kasiyahan

rali'y pinaghahandaan ko
dapat alam mo anong isyu
minsan, mababatid lang ito
pag nasa rali ka na mismo

kwaderno't pluma'y handa lagi
isusulat ang isyu't mithi
pag natapos ay ibahagi
sa madla'y bigkasin kong iwi

ngunit madalas, di pagbigyan
tumula sa harap ng bayan
gayunman, tatahimik na lang
kung tula'y di pahalagahan

kaya buong pasasalamat
kung ako'y tawagin ngang sukat
bibigkas ng tulang sinulat
isyu'y ipaunawang mulat

- gregoriovbituinjr.
02.10.2022

Pagkatha

PAGKATHA

patuloy pa ring umaakda
gayong walang pera sa tula
naritong kaysipag lumikha
araw-gabing katha ng katha

kung sa tula'y may pera lamang
kung bawat tula'y may bayad lang
baka makata na'y mayaman
di man ito ang naisipan

may pambili sana ng gamot
sa botika'y may maiabot
dahil wala'y nakakalungkot
sa iwing puso'y kumukurot

pagtula'y di naman trabaho
na kailangan mo ng sweldo
kumbaga ito'y isang bisyo
gagawin kailan mo gusto

na kung may pera lang sa tula
mas marami pang magagawa
wala man, tuloy sa pagkatha
ito na ang buhay kong sadya

- gregoriovbituinjr.
02.10.2022