Martes, Nobyembre 19, 2013

Kayraming gutom kahit kayraming pagkain

KAYRAMING GUTOM KAHIT KAYRAMING PAGKAIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayraming gutom kahit kayraming pagkain
naroon sa groseri, kailangang bilhin
kung wala kang salapi'y tiyak gugutumin
ganito nga ang sistema sa bayan natin

pagkat ang mga pagkain ay di nilikha
upang ipamudmod sa mga hampaslupa
ang negosyante'y namuhunan sa paggawa
upang sila'y tumubo, di magkawanggawa

ngayon kasi'y kawawa ang walang pambayad
sa kagubatan ng lungsod ay tila hubad
sa kamahalan lagi kang mapapaigtad
katunayang ito sa araw nakabilad

may katapat na presyo ang bawat produkto
may halaga na rin kahit mga serbisyo
ang lahat kasi ngayon ay ninenegosyo
kaya kung walang pera, gutom kang totoo

nakakaiyak, may presyo ang karapatan
may bayad upang umayos ang kalusugan
may bayad upang makapag-aral ka lamang
may bayad ang pagkain sa hapag-kainan

dapat ang karapatan ay tinatamasa
ng lahat ng mamamayan, ng simpleng masa
palitan na ang kasalukuyang sistema
kung nais natin ang mundong ito'y gumanda