Lunes, Mayo 4, 2020

Munting sulyap sa talambuhay

tatlong taon ding naging machine operator noon
tangan ko'y makina, manggagawang regular doon
nag-resign, nag-aral, b.s. math ang kinuhang iyon
naging manunulat pangkampus ng apat na taon
di pa editor nang sumumpa't niyakap ang layon
di nagtapos, nag-pultaym, iyan ang aking kahapon

wala na sa isip ang aming pinag-aaralan
kaya nagpasya akong makibaka ng tuluyan
sa campus paper ay mababasa ang pasyang iyan
at umalis sa apat na sulok ng pamantasan
nasa isip lagi'y ang kinabukasan ng bayan
inaral ang sistema, rebolusyon at lipunan

dugo'y mainit noon laban sa pambubusabos
kumampi sa pinagsasamantalahan at kapos
pag pulong, malayo'y nilalakad, walang panustos
at tinitiis ang gutom dahil walang panggastos
aral sa matematika, pati buhay tinuos
at nilulubos ang aldyebra sa buhay kong kapos

ikinasal kaya may asawang naging kaakbay
hinarap ang sinasabing bago ko raw na buhay
habang ang prinsipyo'y tangan pa rin sa bawat lakbay
sa problema't paglutas ng problema na'y nasanay
patuloy lang gawin ang misyon ko't tungkuling taglay
kung sa pakikibaka'y nawalay, ako na'y patay

- gregbituinjr.
05.04.2020

Tigil daw muna ang produksyon

bumalik ang sigla ko bilang dating manggagawa
nang gadgarin itong karot na kusa kong ginawa
alalayan si misis sa proyekto naming handa
ang pinulbos na karot na ibebenta sa madla

sampung malaking karot bawat araw ang kota ko
sinubukan muna, dalawang araw nang ganito
dalawampung karot sa dalawang araw na ito
upang makarami'y kinse na kaya ang gawin ko

kayraming nakabilad, dinadapuan ng langaw
para bang uulan, araw ay lumubog-lumitaw
tama na muna, si misis ang sa akin ay hiyaw
tigil muna ang produksyon, sa akin ay malinaw

sa bawat araw, prinograma ko na ang gagawin
sampung karot tuwing umaga ang kukudkurin
bilang manggagawa, ang target kong kota'y tungkulin
sigla bilang dating obrero'y nagbalik sa akin

konti lang ang nakabilad, tigil na ang produksyon
habang nasa antas kami ng eksperimentasyon
sa pag-aaral ng pulbos na karot nakatuon
tagumpay nito nawa'y kamtin namin pag naglaon

- gregbituinjr.

Ang kinayod kong karot

kalahating batya ang kinayod kong sampung karot
kaysarap pagmasdan habang sa ulo'y kumakamot
dapat maligo matapos magkayod, aking hugot
habang mamaya'y mag-uulam ng talbos at hawot

kahapon ay sampung malaking karot, ngayon uli
sinimulan ko nang matapos makapananghali
di ko man mapuno ang batya, kahit kalahati
kayod ng kayod, gadgad ng gadgad, paunti-unti

sa umaga, maggadgad muna ng karot ang gawa
sa tanghali, magluluto, kakain, titingala
sa langit upang pagnilayan ang anumang paksa
sa hapon, patuloy ang gawa, sa gabi'y pagkatha

matapos maggadgad, linisin lahat ng ginamit
kaldero, pinggan, panggadgad, batya, silya'y iligpit
maayos ang maghapon, magdamag nama'y pusikit
randam ay maaliwalas, kahit na nanlalagkit

- gregbituinjr.

Walang asukal sa kape

kung may asukal pangkape, ilagay nang sumarap
kung walang asukal, di na ako naghahagilap
ayos na ang kape, di man matamis pag nalasap
kaysa bibili ng asukal, panggastos pa'y hanap

masarap din ang walang asukal, lalo't barako
na inumin ng tulad kong barakong may prinsipyo
para sa masa't mga kapatid nating obrero
masarap, malasa, magigising ang katawan mo

halina't uminom ng kapeng barako, kasama
habang nagninilay at kumakatha rin tuwina
ng alay na tula sa manggagawa't magsasaka
habang sinusulat din ang ginawa sa umaga

tumitigas ang itlog sa tubig na pinainit
lumalambot naman ang pinakuluang kamatis
sa barako'y nangingitim ang tubig kahit saglit
tandang sa diyalektika'y may iba't ibang bihis

- gregbituinjr.