Martes, Agosto 27, 2019

Kapitalistang aswang

KAPITALISTANG ASWANG

makakapal ang apog ng mga kapitalista
sakop daw nila ang mundo't kayrami nilang pera
kanila lang daw ang daigdig na ito, kanila
dahil sila daw ang gumagawa ng ekonomya

ang mukha ng mga kapitalista'y anong kapal
yari sa marmol na pag minaso'y di mabubuwal
iniyayabang nila ang paglago ng kapital
kaya maraming bansa'y sa leeg ay sakal / sakmal

namumula ang dugo sa kanilang mga pangil
kapitalistang aswang na sa bansa'y sumisikil
balisong lanhg tayo subalit armas nila'y galil
sa pagsagpang ng kapitalista'y sinong pipigil

obrero ang dudurog sa kapitalistang aswang
dapat silang magkaisa at pigilan ang halang

- gregbituinjr.

Ilang buwang...

ILANG BUWANG...

ilang buwang palugit ng mga buwang, nakita
kong patuloy pa ang sa masa'y pagsasamantala
ang mga sundalong kanin ay robot na makina
na alam lang sumunod sa utos, di ang hustisya

ilang buwang palugit upang bahay ay bayaran
dahil bahay ay negosyong pinagkakakitaan
aba'y bakit di na ito serbisyong panlipunan?
dahil ba sakmal na ng kapitalismo ang bayan?

maring buwang tubo lang lagi ang inaasam
tinubo sa pawis ng obrero'y takam na takam
lakas-paggawa ng iba'y sa kanila'y linamnam
habang obrero'y nagluluksa, animo'y pasiyam

maraming buwang manhid ang mga kapitalista
na nakatutok lamang ang puso't diwa sa pera
masa ba'y masokista't kapitalista'y sadista?
o sa nangyayari'y patulog-tulog lang ang masa?

- gregbituinjr.