Huwebes, Nobyembre 18, 2010

Bula Pa ang Tuwid na Landas

BULA PA ANG TUWID NA LANDAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

(alay para sa ika-25 founding anniversary ng FIND o Families of Victims of Involuntary Disappearance sa Nobyembre 23)

Iyang matuwid na landas ay bula
Kung tao'y patuloy na winawala
Tayo'y di dapat magwalang-bahala
Kung sa gobyerno'y walang napapala

Tuwid na landas ang nais tunguhin
Nitong aktibistang may simulain
Na ang bulok na sistema'y baguhin
At ang buhay ng masa'y paunlarin

Ngunit sa mundo nga'y kayraming ganid
Dinukot ang aktibistang kapatid
Ang hustisya hanggang ngayon ay pinid
Pagkat hantungan nila'y di pa batid

Sana'y wala nang desaparesidos
Sa bansang itong ang tao'y hikahos
Sa lupaing itong binubusabos
Sa mundong itong pagkaapi'y lubos

Kung ang tao lang ay pumaparehas
Di dapat bula ang tuwid na landas
Kung iyang batas ay laging patas
Hustisya ang tangi nitong katumbas

Sana'y matagpuan ang nangawala
Nang matigil na ang aming pagluha
Sana tuwid na landas na'y di bula
Nang taumbayan nama'y may mapala

Aktibista at Ilog

AKTIBISTA AT ILOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

"The activist is not the man who says the river is dirty.
The activist is the man who cleans up the river."

puna ng puna, wala namang ginagawa
upang problema'y malutas at maapula
puna ng puna, mahilig lamang ngumawa
wala namang alternatibang hinahanda

pinupuna ang pamahalaang inutil
dahil dahilan daw nitong mga hilahil
marami nang buhay ang nawala't kinitil
paano bang sistemang ganito'y mapigil

halina't pagmasdan, marumi na ang ilog
kapara'y basura, ang tubig nito'y lamog
sa nangyari'y kailan tayo mauuntog
nang maunawaang ilog na'y nadudurog

napagmasdan ito ng mga aktibista
hinanap yaong puno't dulo ng problema
linisin natin ang ilog para sa masa
upang ang duming ito'y di na lumala pa

sino ba ang nagdurumi, ralihan natin
mga pabrikang nagdurumi'y patigilin
mga nagtatapon sa ilog ay awatin
pagsabihang ito'y huwag nang uulitin

ilog na ito'y mananatiling basura
kung walang ginagawa tayong aktibista
halina't kumilos na tayo't magkaisa
upang maruming ilog ay malinisan pa