AYUNO NG MGA PULTAYM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
ayuno kahit di Mahal na Araw o Ramadan
at kakain na lang tuwing gabi, walang agahan
dahil walang alawans, wala na ring tanghalian
kumakain ng altanghap, kahit konti'y hapunan
ang masang maralitang aming inoorganisa
ay hindi namin talaga hinihingan ng pera
lalo na't kulang pa iyon sa panghapunan nila
dapat pa nga'y kami ang magbigay sa dukhang masa
ganito ang nangyayari sa tulad naming pultaym
na ayaw gumawa ng anumang katiwalian
nang dahil sa prinsipyo'y ayaw naming magpayaman
pagkat anumang anumalya'y kami ang kalaban
tanong ng ilan, lider nyo ba'y di nireresolba
at di inaalam ang anumang inyong problema
wala kaming itugon, marahil pabaya sila
walang paki sa kalagayan ng mga kasama
sabi nga ng iba, di makakain ang prinsipyo
ngunit mas mahirap kumain kung wala ka nito
kaya patuloy kaming kumikilos para rito
kahit madalas na itong aming pag-aayuno
di ba't kilusang gutom ay pilit naming niyakap
para sa mga pagbabagong ating pinangarap
kaya di kami kakalas gaano man kahirap
mga problema'y maaayos din sa hinaharap
kung may palpak na lider, mapapalitan din sila
ng totoong may pakialam sa mga kasama
pag nangyari ito'y paiiralin ang hustisya
walang lamangan, mababa man o mataas siya
bagamat nag-aayuno ngayon ang mga pultaym
patuloy kaming kikilos sa rali sa lansangan
didiskarte kaming ligal para makakilos lang
at sa aming kapwa'y di pa rin kami manlalamang