Lunes, Abril 2, 2018

Alay sa panitikan

ALAY SA PANITIKAN

Agila mang hari ng kalawakan ay lumipad
Lawin mang mandaragit ng sisiw ay biglang sibad
Alipin mang nais umalpas sa dusa'y kaykupad
Yagit man ay naghihirap sa lungsod ng pag-unlad

Sa pagtahak sa landas ng panitikang sarili
Ang panulat sa bayan at kapwa'y dapat magsilbi

Panitikan ay pagsikapan nating paunlarin
Ang bayang may panitikan ay bayang maunlad din
Na nakaukit sa dambana nitong kasaysayan
Inaalay sa salinlahi ng kinabukasan
Tuwirin natin ang mga baku-bakong lansangan
Ibigay kung ano ang maganda't makatarungan
Kahit kaharap man ay panganib o kamatayan
Ating bigkisin ang bawat isa sa panitikan
Na karugtong ng puso't kaluluwa nitong bayan

- gregbituinjr.

(tulang akrostika - o yaong simula ng letra ng bawat taludtod ay bumubuo ng isang salita o parirala)