Linggo, Enero 5, 2014

Ngayong ako'y nasa panahon ng taglagas

NGAYONG AKO'Y NASA PANAHON NG TAGLAGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

sa dami ng suliraning nais malutas
tila ba ako'y nawawalan na ng ningas
nagpapakatao habang may nandarahas
ako na'y dahon sa panahon ng taglagas

taglagas yaong ang kinaharap ko'y digma
at nagpakatatag sa yumapos na sigwa
dahon man akong puspos ng pagdaralita
ay nagsikap lumaban nang kamtin ang laya

lumalalim ang ugat ng prinsipyong tangan,
ng inangking adhika at paninindigan
tumitimo sa puso bawat karanasan
habang mga aral sa diwa'y nakalulan

hayaan nyo akong yumabong ng malaya
kahit mga nadanas ko'y tigib ng luha
mga sugat man sa puso'y nananariwa
ay aahon din sa pagkabaon sa lupa

oo nga't iyang taglagas ay lilipas din
ngunit mahaba pa ang ating lalakbayin
puno'y diligan, patuloy na palaguin
nang magbunga ang dalisay na simulain